Senate hearing tungkol sa ABS-CBN franchise isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 05:49 PM | Updated as of Feb 13 2020 09:09 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Hinihiling ng isang kongresista na dinggin sa Senado ang prangkisa ng ABS-CBN - na mapapaso na sa katapusan ng Marso - gayong hindi pa ito nadidinig sa mababang kapulungan.

Inihain na ni Public Services committee chairman Grace Poe ang Senate Resolution 122, na layong imbestigahan kung may paglabag nga ba ang ABS-CBN sa prangkisa na ipinagkaloob dito ng Kongreso.

Sa isang pahayag, iginiit ni Poe na may kapangyarihan ang Senado na silipin ang ano mang prangkisa; partikular na rito ang pagsilip sa bintang kontra sa network.

“Dahil sa bigat ng mga alegasyon at posibleng epekto nito, minarapat ng Komite na ilatag na ang panimula para sa pagsusuri para sa kapakanan na rin ng publiko," ani Poe.

Maaalalang naghain si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto na layong ipawalang-bisa ang kasalukuyang prangkisa ng network - na nag-ugat sa mga umano'y paglabag sa terms and conditions ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation at subsidiary nitong ABS-CBN Convergence.

Iginiit na rin ng network na wala silang nilabag sa batas.

Para kay Senate President Vicente Sotto III, magandang plataporma ang pagdinig para maipaliwanag ng ABS-CBN ang kanilang panig.

"Pinakita niya (Poe) sa akin kahapon bago niya finile. Sabi ko, maganda para nga magkaroon din ng pagkakataon ang ABS CBN na maeksplika at hindi kung ano yung naririnig lang, para maeksplika kung ano ang sinasabi nito. Ano itong alleged violation na ito," ani Sotto, na kinonsulta umano ni Poe bago ihain ang resolusyon.

Pero hiling ni Senador Panfilo Lacson na magsagawa muna ng caucus ang mga senador.

Baka aniya kasi sinasagasaan na nito ang subjudice rule, kaugnay ng quo warranto na inihain ni Calida.

Giit naman ni Poe na matagal nang sinabi ng korte na wala sa subjudice rule ang congressional hearings.

Suportado rin ng ilang senador, gaya nina Senate Minority Leader Frankin Drilon, Sherwin Gatchalian at ni Imee Marcos ang resolusyon.

"The hearings on the Poe reso will enable the Senate make a judgement on the proposed renewal of the ABS-CBN franchise when it is transmitted by the House," ani Drilon.

Watch more in iWantTFC

Dahil naihain na ang resolusyon, trabaho na umano ng Kamara na dinggin ang prangkisa ng ABS-CBN, ayon kay Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago.

"Siguro ang magiging dagdag na effect kung matutuloy ang pagdinig nito sa Senate ay lahat ng tao mag-aabang at nakatingin sa magiging aksyon ng HOR," ani Elago.

Para naman kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, importante nang madinig ang franchise lalo na't libo-libong mga trabahador ang nakasalalay rito.

"We owe it to your people na ang dinggin natin ay yung usapin sa tunay na kalayaan press freedom, usapin ng 11000 workers na affected at least 11000 marami pa iba diyan, isa sa mga institusyon na ang ABS-CBN sigurado dito mami-miss niyo si Cardo," ani Gaite.

Paalala naman ni Isabela 1st District Rep. Antonio Albano, bagama't ginagalang ng pangulo ang kalayaan sa pamamahayag, papalag ang goyerno sakaling may fake news o paninira.

Alinsunod ito sa pahayag ni Duterte kahapon tungkol sa pagkakaloob ng broadcast franchise sa pagdiwang ng Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas.

"When media entities use their privilege to side with certain candidates in violation of their duty and franchise agreement. And if media has violated any laws, contracts, or broke any of the franchise parameters, then the government, including and most especially congress, has the right to take away their franchise to protect the people from misinformation and abuse," ani Albano.

Nakiusap din si Albano sa mga kasamahan sa Kamara na huwag nang magsalita tungkol sa quo warranto para hindi sila maakusahan ng may kinikilingan bago sila magbotohan.

Planong pag-usapan sa Lunes ng mga Senador sa caucus ang resolusyon ni Poe.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.