Pabuya ibibigay sa mga magrereport ng pagpupuslit ng baboy sa Negros Occidental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 01:15 PM

Gumawa ng hakbang ang Negros Occidental Hog Raisers Association para walang makapag-puslit ng baboy mula sa mga lugar kung saan may kumpirmadong kaso ng African Swine Fever. Mitch Lipa, ABS-CBN News

Magbibigay ng pabuya ang Negros Occidental Hog Raisers Association sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakahuli ng magpupuslit ng produktong baboy sa lalawigan mula Luzon at Region 11 sa Mindanao na may positibong kaso ng African Swine Fever.

Ayon sa mga lider ng grupo, tumataas ang kanilang pangamba na makapasok sa Negros Island ang produktong baboy na kontaminado ng ASF dahil sa may 30 hanggang 40 tons ng pork meat products na galing Mindanao ang dinadala dito bawat linggo. 

Ito umano ay idinadaan sa Negros Oriental port at ibinabiyahe patungong Negros Occidental at sinusuplay sa malalaking supermarkets sa Bacolod City.

Sabi ni Ray Dela Rama, presidente ng grupo, kailangan nilang higpitan ang monitoring ng entry points sa boundary ng Negros Occidental at Oriental dahil sa walang ASF Task Force na magbabantay. Hiling nila sa Provincial ASF Task Force na dagdagan pa ang kanilang personnel.

Sang-ayon naman si Dr. Renante Decena, provincial veterinarian, sa reward system ng grupo upang mabigyan ng proteksiyon ang hog industry sa lalawigan. 

Dagdag ni Decena, ang Negros Occidental ay may P6 bilyong hog industry. Mayroon ngayong 510,000 na populasyon ng buhay na baboy sa buong probinsya at nasa mahigit 15,000 na backyard hog raisers.

Hindi naman binanggit ng grupo kung magkano ang ilalaan nitong pabuya sa mga makakapagtimbre laban sa mga magpupuslit ng baboy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.