P1.2-M halaga ng 'marijuana' nasabat sa bus terminal sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 01:48 PM

Sampung kilo ng hinihinalang marijuana ang nakuha sa isang kahon sa isang bus terminal sa Quezon City noong madaling araw ng Huwebes. ABS-CBN News

MAYNILA — Tinatayang aabot sa P1.2 milyong halaga ng hinihinalang marijuana ang nakuha ng mga awtoridad nitong madaling araw ng Huwebes sa isang anti-illegal drug operation sa Quezon City, kung saan naaresto ang isang suspek.

Nagsanib puwersa ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) sa operasyong ikinasa sa ES Transport Terminal sa Barangay E. Rodriguez, Cubao bandang 5:40 ng madaling araw.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may package na dadating sa terminal na naglalaman ng ilegal na droga kaya ikinasa nila ang operasyon, ayon kay PDEA agent Marlon Manwi-it.

Natimbog naman ang lalaking nahuling nag-pick up ng kahon sa terminal, na kinilala ni QCPD director Brig. Gen. Ronnie Montejo bilang si Ricafrente Karlo Jose Pio, 24 anyos.

Nasa loob ng kahon ang nasa 10 kilo ng marijuana na nagkakahalagang P1.2 milyon.

Inaalam ng PDEA kung ang suspek ay runner ng droga o kung siya mismo ang nagbebenta nito sa Metro Manila.

-- May ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.