May kapangyarihan ba ang gobyerno na idikta ang ineere ng broadcast network?

Christian Esguerra, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 07:59 PM

MAYNILA — Hanggang saan nga ba ang kapangyarihan ng pamahalaan, partikular na ng Kongreso, para magkaloob ng prangkisa sa isang broadcast station? May karapatan ba ito na sabihin kung ano dapat ang inire-report? 

Kung bubusisiin ang quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN, sinasabi rito na dahil gobyerno ang nagkakaloob ng prangkisa, may kapangyarihan din itong idikta kung ano ang dapat i-broadcast, base sa mga layunin ng pamahalaan at sa kung ano ang tingin nito na mahalaga.

"It becomes legally viable for the government to impose its own values and goals through a regulatory regime that extends beyond the assignation of frequencies, notwithstanding the free expression guarantees enjoyed by broadcasters," batay sa petisyon. 

Ito’y kahit pa may garantiya ang mismong Konstitusyon sa kalayaan sa pamamahayag.

Labis itong nakababahala, ayon sa journalist na si Vergel Santos, dating chairman of the board ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

"Ang masama nito ang sinasabi ni Calida, pag may nasilip sila na ang tingin nila ay violation ng prangkisa at ang violation na 'yan eh by their judgment has anything to do with... goals and values that the government itself would want imposed on the media, tapos na 'yung media. Nakakatakot 'yan sa broadcast organizations," ani Santos. 

Noong Miyerkoles, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na okay lang na i-report ng media ang katotohanan kahit pa makasisira ito sa kaniya. Pero dahil isang pribilehiyo ang broadcast, may babala siya.

"While our Constitution upholds freedom of the press, the function of broadcast is a privilege granted by government. It is imbued with the best interest of the nation and our people. And we will not tolerate any abuse of that privilege," sabi ni Duterte. 

Ayon sa abogadong si Tony La Viña, kahit pa gobyerno ang nagkakaloob ng prangkisa, hindi ibig sabihin na ito ang masusunod sa kung ano ang lalamanin ng broadcast.

"Totalitarian state na tayo pag ganun... Definitely, hindi puwedeng sabihin sa press na ito ang gusto namin, ito ang values namin, ito ang vision namin. Mali yun. Talagang pinagbabawal 'yan ng Constitution," ani La Viña.

Ayon naman kay Santos, di dapat malihis sa tunay na isyu sa kabila ng kung ano-anong mga bintang ni Calida sa ABS-CBN.

Aniya, puno't dulo nito ang tangka ng gobyerno na kitlin ang kalayaan sa pamamahayag ng pinakamalaking broadcast network sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.