Mahigit P9-M halaga ng ilegal na droga, nasabat sa Tagum City

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 10:12 PM

Nasamsam ang mahigit P9 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng Davao City Police sa Visayan Village, Tagum City, Davao del Norte pasado alas-5 Huwebes.

Arestado ang mga suspek na maglive-in partner at isa pang inuutusan umano ng dalawa na magbenta ng shabu.

Nakatakda pa umanong ikasal bukas ang 2 suspek.

Aabot sa 590 gramo ang ilegal na drogang nasabat mula sa kanila.

Target ng operasyon si alyas Bembol. Nauna na itong nakulong noong 2015 sa Mabini, Davao de Oro ngunit na-monitor na bumalik sa paggamit ng ilegal na droga.

Napag-alaman rin ng pulisya na siya ang source ng ilan sa kanilang mga naunang nahuling drug suspect.

Aminado naman ang mga suspek na sangkot sila sa ilegal na gawain at sinasabing galing Marawi City ang source ng shabu.

Ayon rin sa target na si alyas Bembol, sa loob ng sasakyan lang nila itinatago ang ilegal na droga, kaya kasali ang kanilang SUV sa mga ebidensya ngayon ng mga pulis.

Kasalukuyang nakadetine sa Davao City Police Office ang mga suspek at nakatakdang kasuhang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.