Jeepney driver na nakapatay sa pag-araro sa Makati, positibo sa droga

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 06:31 PM

MAYNILA - Nagpositibo sa drug test ang driver ng jeep na nanagasa ng ilang estudyante sa Makati City Miyerkoles ng gabi, nag nagdulot na pagkamatay ng isang estudyante.

Kinumpirma ng hepe ng Makati City Police na si Col. Rogelio Simon, na positive sa paggamit ng ilegal na droga ang driver na si Crisaldo Jaictin Tamparo.

Ani Simon, isasalang pa nila sa confirmatory test ang resulta.

Makikita sa isang CCTV footage na tumatawid sa pedestrian lane ang grupo ng ilang estudyante nang bigla silang inararo ng jeepney ni Tamparong.

Sumalpok ang sasakyan sa mga estudyanteng naglalakad sa gilid ng kalapit na kalsada.
 
Sa lakas ng impact, tumilapon ang ilan sa mga biktima. Agad silang sinaklolohan ng mga kaklase.

Bukod sa patay na estudyante, sugatan din ang 7 iba pa.

Ayon sa pulisya, kapag nagpositibo sa confirmatory test, gagamitin nila ang resulta ng drug test para masampahan ng kaso ng paggamit ng ilegal na droga ang driver, na nahaharap na ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at homicide.

--Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.