Hakbang ng ilang establisimyento vs COVID-19 sa Valentine's inilatag

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 05:31 PM | Updated as of Feb 13 2020 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Naglatag na ng mga pasilidad ang ilang establisimyento bilang pagbabantay kontra sa bagong coronavirus - sa inaasahang dagsa ng mga tao sa iba't ibang lugar sa Araw ng mga Puso. 

Magkakaroon ng thermal scanning sa Cultural Center of the Philippines, kung saan idaraos ang dalawang Valentine's concert sa kabila ng banta ng novel coronavirus, na nagdudulot ng sakit na pinangalanang coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ayon kay Rosario Tala, na nangangasiwa sa venue operations ng CCP, pagbabawalan nilang pumasok sa venue ang sino mang makikitaan ng lagnat sa bisa ng thermal scanners. 

"Those na magre-register ng 38-plus body temperature... Regrets, but we need to refuse admission," ani Tala, na nagpaalala rin sa mga nilalagnat na huwag nang tumuloy sa mga concert. 

Naglatag na rin ang CCP ng hand sanitizers at alcohol. Pasusuotin din nila ng face masks ang CCP staff. 

Samantala sa kabila ng pangamba sa virus, pinaghahandaan na rin sa ilang restoran ang dagsa ng tao sa Araw ng mga Puso. 

Gumagamit ng mga disinfectant ang ilang restaurant managers para linisin ang kanilang mga gamit. 

Maaari ring humingi ang mga kustomer ng alcohol sa mga crew ng mga kainan. 

Nagpayo ang ilang eksperto na panatilihin ang good hygiene gaya ng wastong paghuhugas ng kamay at palakasin ang resistensya para makaiwas sa sakit.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.