Defense analysts nagbabala sa epekto ng pagbasura sa VFA

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 07:35 PM | Updated as of Feb 13 2020 09:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tuluyan nang tinuldukan ng pamahalaan ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, matapos mag-abiso ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. sa gobyerno ng Estados Unidos.

Tinawag ni US Defense Secretary Mark Esper na "move in the wrong direction" o hakbang papunta sa maling direksyon ang desisyon ng Pilipinas na ibasura VFA.

Lalo na raw sa panahong ito na sinusubukan pa naman ng rehiyong pigilan ang mga umano'y pagmamalabis ng China sa West Philippine Sea at South China Sea.

Nitong Huwebes, nagsalita na si US President Donald Trump at minaliit lang ang desisyon ng Pilipinas.

"It’s fine… We'll save a lot of money."

Sumagot din ang Department of National Defense ng Pilipinas at sinabing pagkalipas ng 6 na buwang transition period, kanselado na ang lahat ng joint exercises sa pagitan ng mga militar ng 2 bansa.

Kung wala nang VFA, makakansela na ang may 300 training at aktibidad sa pagitan ng mga militar ng 2 bansa at maaapektuhan ang ilang bilyong pisong halaga ng mga proyektong galing sa Amerika sa larangan ng modernisasyon, intelligence, at counter-terrorism.

Ang pinakamalaking joint exercise–ang Balikatan exercises–na mangyayari sa Abril ay maaari pa naman daw ituloy kung gusto ng mga Amerikano.

Pero nitong Huwebes, pinahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi lang VFA ang iniisip nilang tanggalin kundi baka lahat ng kasunduan kasama ang Amerika, pati Mutual
Defense Treaty (MDT).

Sa ilalim ng MDT, obligado ang parehong bansa na ipagtanggol ang isa't isa sa oras ng pag-atake.
 
Ayon sa dating National Security Council consultant na si Jose Custodio, ang MDT ang dahilan kung bakit hindi napapaalis ng China ang mga istruktura ng Pilipinas sa West Philippine Sea at hindi nasasaktan ang mga tropang Pinoy doon.

"No country wants to touch Philippine troops as long as nandiyan 'yung MDT... That shows that limited din ang options ng Chinese, kasi wala silang magawa against the Philippines because of the fact that we are an ally of the US," ani Custodio.

Pero may isa pang magiging kontrobersiyal na usapin sa pagkawala ng VFA at 'yan ay kung ano ang mangyayari sa sundalong Amerikano na si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, na nakakulong ngayon sa Camp Aguinaldo matapos mahatulan ng pagpatay sa Pilipinang si Jennifer Laude.

Ayon kay Harry Roque, abogado noon ng pamilya Laude, dapat idiretso na si Pemberton sa New Bilibid Prison oras na mapaso na ang VFA.

Ito ay dahil wala nang espesyal na kasunduan na pipigil pa nito.

Pero ayon kay Chester Cabalza ng National Defense College of the Philippines, hindi papayag ang Amerikang ipasok ang sundalo nila sa Bilibid.

"For sure the US will not allow it. Dahil alam natin ang kapangyarihan ng US, malawak pa rin ang kanilang lakas," ani Cabalza.


—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.