SAPUL SA CCTV: Menor de edad na magkasintahan, huling nandukot ng pitaka

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 05:00 AM | Updated as of Feb 13 2019 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nahuli ng mga pulis ang menor de edad na magkasintahan matapos mandukot ng pitaka sa isang estudyante sa Sampaloc, Maynila.

May edad na 16 ang babaeng suspek habang 14 anyos naman ang kaniyang kasintahan.

Sa kuha ng CCTV, sinundan ng mga suspek ang biktima habang naglalakad ito sa P. Paredes St. corner N. Reyes St.

Binuksan ng babaeng suspek ang bag ng biktima. Nang makuha ang pitaka, agad silang umalis palayo.

Natuklasan na lang ng biktima na nadukutan siya nang papasok na ito sa isang pamantasan.

Isang oras ang makalipas, nagpadala sa kaniya ng mensahe sa social media ang isang pulis matapos marekober ang kaniyang pitaka.

Nakita ng mga pulis ang pangyayari at sinundan ang mga mandurukot na nagresulta sa pagkahuli nito.

Depensa ng babaeng suspek, nagawa niyang mandukot dahil buntis siya at may sakit umano ang kaniyang ina.

Giit naman ng lalaking suspek, nadamay lang siya. Hindi niya inakala na dudukutin ng kaniyang kasintahan ang pitaka. 

Ayon naman sa pulisya, madalas umano itong ginagawa ng mga suspek.

"'Yung isa, binabangga niya 'yung biktima. 'Yung isa naman, dinudukutan," ani Insp. Edgardo Alombro, commander ng University Belt Area Police Community Precinct.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magkasintahan. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.