Reklamong 'pilit na voluntary resignation' ng Hanjin workers sinisilip

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 09:48 PM | Updated as of Feb 13 2019 10:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaalam na ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung totoo ang reklamo ng mga manggagawa ng Hanjin sa Subic, na pinipilit daw silang mag-voluntary resignation.

Ayon kay Dominique Tutay, direktor ng Bureau of Local Employment sa ilalim ng DOLE, bineberipika na ng regional office ng DOLE ang sumbong ng mga manggagawa.

"May mga nakakarating nga po sa amin so ito ay vina-validate na rin po ng ating DOLE regional office," sabi ni Tutay.

Ito ay matapos manawagan sa DOLE ang mga manggagawa ng Hanjin na tulungan silang makuha nang buo ang kanilang separation pay at 3 percent cash bond na kinakaltas sa kanila kada buwan.

"Binibigyan po kami ng boluntaryo, voluntary resignation at may kasama po pa itong pananakot, na kapag hindi raw po kami pumirma doon eh hindi na kami mababayaran nang tama," sabi ni Efren Vinluan, pangulo ng samahan ng mga manggagawa ng Hanjin.

Nakatakda na kasing magsara ang shipyard ng Hanjin sa Biyernes.

Magugunitang nagsumite ng petition for rehabilitation ang kompanya sa korte nang umabot ng US$412 milyon ang utang nito sa limang magkakaibang bangko sa bansa. 

Ayon naman kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, paraan ng Hanjin ang pagpipilit sa mga manggagawa na mag-voluntary resignation para takasan ang ilang obligasyon.

"Kapag voluntary... ito lang 'yung matatanggap mo... If you fight it out, mas may malaki kang matatanggap du'n sa length of service, sa usapin nu'ng cash bond," ani Casilao.

Nagsagawa noong Sabado ng job fair sa Subic para sa 3,800 Hanjin workers na nawalan ng trabaho simula noong trabaho.

Ipinanukala naman ng ilang sektor na i-take over na lang ng pamahalaan ang Hanjin Shipyard para mapalago ang shipping industry sa bansa, at hindi na ito mapunta sa mga Chinese at iba pang dayuhang investor.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.