Pinoy, nobyang Chinese arestado sa estafa sa Pasig

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 01:43 PM | Updated as of Feb 13 2019 01:45 PM

Timbog sa Pasig City ang isang lalaking Pinoy at ang nobya niyang Chinese dahil sa pamemeke umano ng mga dokumento sa ibinenta nilang sasakyan, ayon sa pulisya.

Hinuli ng Pasig police noong Martes ang Chinese national na si Wen Du habang ngayong Miyerkoles naman inaresto ang nobyo nitong si Jeremy Ilagan, ayon kay Police Inspector Virgilio Cayetano.

Pineke ng magkasintahan ang OR/CR at deed of sale ng binentang sasakyan, ani Cayetano.

Nang maaksidente ang pinagbentahan noong nakaraang taon, doon lamang nalaman na hindi raw pala lehitimo ang mga papel.

Nasa P300,000 ang binayad ng biktima para sa kotse.

Tumangging magsalita ang magkasintahan at haharapin na lang daw nila sa korte ang kasong estafa na isinampa laban sa kanila pareho.

Kasalukuyang nakadetene ang mga suspek sa tanggapan ng Pasig police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.