Pabrika ng sementong inireklamo sa Batangas tigil-operasyon

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 04:32 PM | Updated as of Feb 13 2019 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Ipinatigil ng Environmental Management Bureau (EMB) ang operasyon ng isang pabrika ng semento sa Mabini, Batangas na inirereklamo ng mga residente dahil sa dulot nito umanong polusyon na idinidikit sa pagkakasakit ng mga tao.

Isinilbi ngayong Miyerkoles ng EMB ang cease and desist order laban sa pabrika ng Holcim Philippines Inc. 

Kinansela ng EMB ang environmental compliance certificate (ECC) ng Holcim Philippines na nakapangalan sa Universal Bulk Corporation, na iba umanong kompanya. 

Natuklasan daw na taliwas umano ang operasyon ng Holcim sa nakasaad sa inisyung ECC para sa Universal Bulk Corporation.

"Ang nakalagay po ay establishment of storage and port facility. Hindi po ito kamukha ng ginagawa nilang manufacturing of cement," sabi ni Mabini Municipal Administrator Gelvirre Luistro.

Sa isang pahayag, sinabi ng Holcim Philippines na patuloy silang makikipagtulungan sa mga awtoridad at mga stakeholder para sa pagresolba sa isyu.

Nanindigan ang kompanya na dapat payagan ang operasyon ng planta dahil sumusunod naman daw ito sa mga lokal at pambansang batas.

"It (Mabini plant) adheres to relevant local and national laws, and operates consistent with our values of health, safety, integrity and sustainability," sabi sa pahayag.

Maaari pang umapela ang Holcim Philippines sa desisyon ng EMB.

Bago nito, sumugod sa munisipyo ng Mabini ang mga residente para ireklamo ang pabrika dahil sa ibinubuga nitong alikabok. 

Nagdudulot na rin daw ng mga sakit sa mga residente ang alikabok.

Nagsagawa rin noong Martes ang EMB ng inspeksiyon sa naturang pabrika.

Umapela naman ang mga trabahador ng pabrika na naapektuhan sa pagpapatigil ng operasyon.

"Marami ho ang maaapektuhan, maraming pamilya po ang nangangailangan ng trabaho dito," sabi ng trabahador na si Carlos Maramot.

Ikinatuwa naman ng mga residente ang pagpapasara sa pabrika.

"Hindi na kami makakalanghap ng maraming gabok," ani Francesca Minguela.

"Salamat po, dininig din ang aming hinaing," sabi naman ni Flor Aspi.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.