P98 bilyon 'ginalaw' ng mga mambabatas sa 2019 budget

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 08:05 PM

Tinatayang P98 bilyon ang ginalaw at nilipat-lipat ng mga mambabatas bago nila maisapinal at ratipikahan ang P3.7 trilyon proposed national budget para sa 2019, batay sa isinapublikong bicameral conference committee report nitong Miyerkoles. 

Biyernes noong ratipikahan ng Kamara at Senado ang proposed budget at ngayon ay iniintay na lang ang lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para aprubahan ito. 

Pinakamalaki sa mga nabuhusan ng dagdag na pondo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na mahigit P46 bilyon.

Pero paliwanag ni House appropriations committee chair Rolando Andaya, mga "piling" proyekto na ito ng mga senador at mambabatas at hindi pareho sa mga dapat popondohan ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang kontrobersiyal na P75 bilyon "insertion" na inalis na ng bicam. 

"No, there is no P75 billion insertion to talk about at this point in time... Wala. The Senate and the House panel have agreed to do away with that, iyong mga project na iyon, unfunded iyon, wala na," paliwanag ni Andaya. 

Pero ayon kay Marikina Rep. Bayani Fernando, hindi pa rin nila nakikita kung alin sa mga proyekto nila ang pasok sa budget dahil hindi pa lumalabas ang pangakong itemized list.

PATUTSADA

Samantala, binalik naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno kay Andaya ang bintang kung sino ang pasimuno sa pagpapa-bid ng proyekto kahit hindi pa aprubado ang budget.

Maaalalang dati nang sinita ni Andaya si Diokno dahil pina-bid out umano nito ang mga proyektong saklaw ng insertions sa DPWH kahit hindi pa pinal ang proposed budget.

"The system was started by the lawmaker (Andaya) in 2009, when he was still Budget secretary of then-President Gloria Macapagal-Arroyo, who's now House Speaker," patama ni Diokno.

Sumagot naman si Andaya at sinabing "fake news" ang alegasyon ni Diokno laban sa kaniya. 

"It's fake news. During my time, there were no biddings and awards prior to the effectivity of the General Appropriations Act. Such activities commenced only after the enactment of the national budget," depensa ni Andaya.

Maaalalang natapos ang 2018 na hindi nagkasundo ang mga mambabatas sa 2019 national budget. Kasalukuyang reenacted budget lang noong 2018 ang pinapaandar ng pamahalaan habang iniintay ang pirma ni Duterte sa bagong batas para sa pambansang budget sa kasalukuyang taon.  —Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.