PatrolPH

Miyembro ng malaking drug cartel, napatawan ng habambuhay na kulong

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 06:40 PM | Updated as of Feb 13 2019 09:31 PM

Watch more on iWantTFC

Nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong nitong Miyerkoles ang Mehikanong si Horacio Herrera, na miyembro umano ng Sinaloa drug cartel na nahuli sa isang buy-bust operation noong 2015.

Ang Sinaloa drug cartel ay itinuturing na "pinakamakapangyarihang" drug trafficking at organized crime group sa buong mundo.

Sa inilabas na desisyon ng Makati Regional Trial Court Branch 63, life imprisonment at multang P500,000 hanggang P10 milyon ang ipinataw kay Herrera dahil sa paglabag sa section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o pangangalakal ng ilegal na droga.

Enero 2015 nang matimbog si Herrera sa isang buy-bust matapos bentahan ng P12 milyong halaga ng cocaine ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Makati police.

Ayon sa mga awtoridad, isa si Herrera sa pinakamataas na opisyal ng Sinaloa drug cartel. Pinaniniwalaang ika-3 o ika-4 siya sa ranggo ng sindikato. 

Itinanggi naman ni Herrera ang umano'y koneksiyon niya sa sindikato at iginiit na inosente siya.

"Soy inocente. Puedes chequear el file todos inconsistencias tienen en caso, no saben ni los numeeos de telefono," aniya.

(Inosente ako, kahit tingnan niyo pa ang aking rekord. Maraming hindi tumutugmang detalye sa kaso laban sa akin. Ni hindi nila alam ang aking phone number.)

Babala naman ng PDEA, nagpapatuloy ang operasyon ng sindikato sa bansa.

"They have merged operations with some notorious Chinese drug syndicates. There are already 36 instances of smuggling drugs from the US... And they're smuggling mostly meth (shabu) and it's hidden in toys, canned goods, and any other forms," ani PDEA Director General Aaron Aquino. 

Halos kasabay ng sentensiya kay Herrera ang pagkaka-convict naman sa New York kay Joaquin Guzman o "El Chapo," ang notoryus na lider ng grupo, dahil din sa drug trafficking.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.