Mga tatakbong senador kanya-kanyang pagpapakilala na

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 09:53 PM | Updated as of Feb 14 2019 06:53 PM

Nagsimula nang rumonda sa iba't ibang siyudad at lalawigan ang mga tatakbo sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 13.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Bicol region isinagawa ng opposition coalition na "Otso Diretso" ang kanilang kickoff campaign kung saan bumisita sila sa balwarte ng kaalyado na si Bise Presidente Leni Robredo sa Naga at nakadetene na senadorang si Leila de Lima sa Iriga. 

Kabilang dito ang senatorial reelectionist na si Bam Aquino, at Mar Roxas, at mga bagito sa senatorial elections na sina Magdalo Rep. Gary Alejano, dating House Deputy Speaker Erin Tañada, election lawyer Romulo Macalintal, dating solicitor general na si Florin Hilbay at dating Bangsamoro Transition Committee member Samira Gutoc. 

Sa kanilang pangangampanya, binanggit nila ang kanilang mga planong tutukan sakaling manalo sa Senado, gaya ng seguridad, edukasyon, mga isyu ng kababaihan at kabataan, paglaban sa kahirapan, tulong sa magsasaka at pagpapalago ng ekonomiya. 

Aminado man na underdog, walang makinarya at pondo, ay hinikayat nilang iboto sila para sa "mas balanse" na Senado na "maitutulak ang pangangailangan ng tao." 

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang kanilang kickoff noong Martes ay idinaos naman ng Hugpong ng Pagbabago ang isang campaign rally sa Mariveles, Bataan. 

Kabilang sa mga kasama sa campaign rally ang mga reelectionist na sina Sonny Angara, Jose Pimentel Ejercito Jr. o “Jinggoy Estrada,” Pia Cayetano, Bong Revilla, at Cynthia Villar. 

Hindi nakadalo sina Koko Pimentel at JV Ejercito na nasa hiwalay na election rally sa Tondo, Maynila. Hindi rin nakadalo si Ronald "Bato" Dela Rosa.

Kasama rin ang mga senatorial election neophyte na sina dating Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go, Maguindanao 2nd District Rep. Zajid “Dong” Mangudadatu, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, dating broadcast journalist Jiggy Manicad, at dating MMDA chairman Francis Tolentino. 

Sa campaign rally sinagot ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang puna ng mga kritiko ukol sa kaniyang pinamumunuang partido, partikular na ang mga tumatawag kina Estrada at Revilla na plunderer dahil nahaharap sa naturang kaso ang mga ito kaugnay ng pork barrel scam. 

"The only time na masabi natin that one person is a plunderer where mayroon ng final judgement in a court case... so it's very unfair to judge a person kahit walang conviction," ani Duterte-Carpio. 

Sinagot niya rin ang mga puna kung bakit galing sa mga pamilyang politikal ang karamihan umano sa kaniyang mga kandidato. 

"Wala din naman kasi ibang senators na tumatakbo. We have new people in the slate, Bong Go, who comes from a business family, hindi siya politiko," aniya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagkaroon naman ng hiwalay na kickoff campaign sa Tondo, Maynila ang mga reelectionist sa pagkasenador, sa pangunguna ng independent candidate na si Grace Poe. 

Dumalo lahat ng reelectionist maliban kay Aquino, na sumama sa kaniyang mga kapartido sa Bicol. 

Sina incumbent Senate President Vicente "Tito" Sotto III at
Win Gatchalian ang personal na nag-endorso sa mga senador sa naturang kampanya.

Aminado si Poe na magsisilbing hamon sa kanilang reelectionist senators ang maabot ang mga bagong botante, na aabot sa higit isang milyon.

"Pinakamahirap na kumbinsihan na sektor ng kabataan yung mga bagong botante, mas nag-iisip kung sino talaga susuportahan nila. Dahil di naman porke't na nakakatawa ka o andami mo commercial, ikaw na pipiliin," aniya. 

Iginiit ni Sen. Nancy Binay na malaki ang tungkulin ng social media para sa mga bagong botante para kilatisin ang mga senador. 

"Ang laki ng role ng social media, dahil mga first time voters, 'yan ang platform nila to get to know us, mas tingnan nila 'yung mga napo-post sa social media ay totoo, ay propaganda lamang," aniya. 

Magtatagal ang campaign period ng mga senador hanggang Mayo 11, dalawang araw bago ang halalan. 

-- Ulat nina Gracie Rutao, Ron Gagalac, Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.