Driver na nakabangga sa barrio doctor sa Agusan del Norte, sumuko na

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 07:47 PM

Ang itim na SUV na nakabundol sa isang doktor sa Agusan del Norte noong nakaraang linggo. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

BUTUAN CITY - Kusang sumuko nitong Miyerkoles ang driver ng SUV na nakasagasa at nakapatay sa isang doktor sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte noong nakaraang linggo.

Sumuko ang driver, isang dating spiritual adviser ng Butuan City Hall, sa Santiago Municipal Police Station.

Humingi ito ng tawad sa pamilyang Arambulo sa nangyari.

Ayon sa abogado ng driver, hindi niya namalayan ang pagtawid ni Dr. Zuriele Arambulo at aksidente niya itong nabundol.

Agad din siyang tumakas dahil sa pagkataranta at sa takot.

Matapos sumuko ang driver, agad na pinuntahan ng mga pulis ang bahay nito at doon nakita ang SUV na wasak ang harapan. Dinala ito para sa forensic.

Hinihintay din ng Police Regional Office-Caraga ang resulta sa ginawang enhancement ng CCTV footage sa pagtakas ng SUV para ma-ikumpara sa plate number ng sasakyan.

Kinonsiderang case closed na ang nangyaring hit and run kay Arambulo, ayon kay Chief Supt. Gilberto Cruz, regional director ng Police Regional Office-Caraga.

Haharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.