2 batang magkapatid patay sa sunog sa Angeles City

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 12:52 AM

ANGELES CITY, Pampanga - Patay ang 2 magkapatid sa sumiklab na sunog sa Barangay Pandan, Angeles City nitong Martes ng umaga.

Patay ang magkapatid na sina Rian, 4-anyos, at bunsong si Rox, 2-anyos.

Ayon sa inang si Margie Roxas, iniiwan nilang mag asawa araw-araw ang kanilang mga anak dahil sa trabaho. Inihahabilin nila ang mga ito sa kanilang ina.

“Kasi ako nagtatrabaho ako sa bakery, alas-5 umaalis na ako. Tapos yung asawa ko umaalis ng alas-7. Yung mama ko yung nagsusundo eh, di niya nasundo mga bata kasi nga nilalagnat siya," aniya.

Walang sariling linya ng kuryente ang bahay kaya nakiki-saksak na lamang sila ng extension sa kapitbahay. Ito ang nakikita ng mga awtoridad na pinagmulan ng sunog.

“Yung pakikipag-tap 'pag na-overload kasi yung ginagamit nilang extension wire, it may cause overloading," ani Fire Chief Insp. Sonny Cario, fire marshall ng Angeles City Central Fire Station.

Panawagan ng mga awtoridad na siguraduhing may kasamang nakatatanda ang mga bata sa bahay, lalo na kung nasa murang edad pa lamang ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.