TINGNAN: Binagyong mga bahay sa Surigao del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 03:28 PM | Updated as of Sep 12 2018 01:27 PM

Nawasak ang ilang bahay sa Barangay Tigao sa bayan ng Cortes sa Surigao del Sur dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Basyang, Pebrero 12, 2018. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

SURIGAO DEL SUR - Ilang mga bahay ang nasira dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Basyang sa bayan ng Cortes, Lunes ng gabi. 

Sa Sitio Lobkon, Barangay Mabahin, maraming bahay ang pinasok ng tubig na may kasamang putik, madaling araw ng Martes. 

Ayon sa residenteng si Robinson Egpit, rumagasa ang tubig mula sa itaas ng bundok kaya’t bigla na lang nagbaha. Puro putik rin ang mga gamit nila sa loob ng bahay.

Putikan na ang mga gamit sa loob ng bahay ni Robinson Egpit matapos na bahain sanhi ng bagyong Basyang sa Sitio Lobkon sa Barangay Mabahin, Cortes, Surigao del Sur, Pebrero 13, 2018. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Isa lang ang kanyang bahay sa mga binaha. 

Sa Barangay Tigao, may landslide din sa kalsada at may ilang bahay ang sinira sa pagguho ng lupa. 

Limang bahay din dito ang winasak dahil sa bilis ng tubig na dumaloy mula sa itaas ng bundok.

Nakisilong sa barangay hall ang mga apektadong mga residente habang nagsagawa na rin ng clearing operation ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kalsada sa bayan ng Cortes na may mga pagguho ng lupa sa kalsada. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.