Panukalang total ban sa hazing, lumusot sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 01:04 AM | Updated as of Aug 17 2019 05:34 PM

Watch more in iWantTFC

Inaprubahan sa Senado nitong Lunes ang panukalang batas na tuluyang magbabawal sa hazing bilang prerequisite sa mga nais maging miyembro ng fraternity, sorority, o organisasyon.

Lusot ang Senate Bill No. 1662 o Anti-Hazing Act of 2018, na sususog sa umiiral na Republic Act No. 8049 na nagre-regulate o naglilimita lamang sa hazing. 

"Instead of regulating hazing, it will completely prohibit all forms of hazing, once and for all," ani Sen. Sherwin Gatchalian.

Sakop bilang hazing ang kahit anong pisikal o sikolohikal na pagpapahirap o pananakit sa mga neophyte o nais maging miyembro ng isang organisasyon. 

Kapag naisabatas, mapapanagot na ang paaralan, barangay, o pamahalaang lokal kung saan idinaos ang hazing.

Sa RA 8049 kasi ay maaari pang magdaos ng hazing o initiation rite ang isang organisasyon basta ipinagbibigay-alam at nababantayan ng pamunuan ng paaralan.

Nakapaloob din sa bagong panukala na pagmumultahin ng P1 milyon at mapaparusahan ng reclusion temporal, o pagkakakulong ng hanggang 20 taon, ang mga officer at miyembro ng grupong nagsagawa ng hazing. 

Multang P2 milyon at reclusion perpetua, o pagkakakulong na higit pa sa 20 taon, naman ang ipapataw sa mga miyembro o alumni ng organisasyon na nakisali sa hazing habang nasa impluwensiya ng alak o droga.

Kapag namatay ang biktima bunsod ng pagpapahirap, P3 milyon multa at reclusion perpetua naman ang parusa sa mga sangkot sa hazing.

Ang sino mang may alam sa hazing pero hindi agad nagsabi sa mga awtoridad ay pananagutin din.

Makukulong din ang sino mang sapilitang nagre-recruit o kumukuha ng mga bagong miyembro sa organisasyon. 

Laking pasasalamat ng mga magulang ni Horacio Castillo III sa pagpasa sa Senado ng panukalang batas.

Si Castillo ang University of Santo Tomas (UST) law student na nasawi noong Setyembre matapos umanong sumailalim sa initiation rites ng Aegis Jvris fraternity.

Sinabi rin ng Department of Justice kamakailan na ngayong Pebrero nakatakdang ilabas ang resulta ng kanilang preliminary investigation sa pagkamatay ng 22 taong gulang na si Castillo. 

Ilalatag sa kanilang resolusyon kung may probable cause para kasuhan ang mga akusado at miyembro ng Aegis Jvris kaugnay sa pagkamatay ni Castillo.

Pero iginiit ng mga magulang ni Castillo na hindi matatapos ang kanilang laban sa pagpapakulong sa mga responsable.

Nakatakda umano silang pumuntang Vatican para ilapit ang reklamo laban sa UST kaugnay sa pananahimik nito sa nangyaring hazing at pagkamatay ng kanilang anak.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.