TFC News

PH-Czech cooperation sa agrikultura at food security mas palalakasin

TFC News

Posted at Feb 12 2023 04:10 AM

PRAGUE – Inaasahang mas sisigla pa ang pagtutulungan ng Czech Republic at Pilipinas sa larangan ng agrikultura upang masiguro ang food security ng dalawang bansa ngayong taon.

Sa pagpupulong ni Philippine Embassy in Prague Chargé d’Affaires Indhira Bañares at Deputy Speaker Jan Skopeček ng Chamber of Deputies ng Parliament of the Czech Republic, ikinasa ng dalawang panig ang pagbisita sa Pilipinas ng Economic Committee ng Czech Parliament sa Pilipinas ngayong buwan.

2
Si Philippine Embassy in Prague Chargé d’Affaires Indhira Bañares at Deputy Speaker Jan Skopeček sa Chamber of Deputies ng Parliament of the Czech Republic noong February 1, 2023. (Prague PE photo)

Sesentro ang mga usapin tungkol sa economic, agricultural at technological interests ng Pilipinas at ng Czech Republic.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, inilatag ang Philippine Development Plan 2023-2028 upang masiguro ang food security ng bansa.

Nakatutok ang development plan sa pagpalawak ng agricultural trade sa pagitan ng Pilipinas at mga bansa sa Europa tulad ng Czech Republic, agri-mechanization, biotech research, at pagpapatayo ng mga modernong agricultural infrastructure sa buong bansa.

Noong 2021, umabot sa $4.7 million ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic. Naniniwala ang Philippine Embassy sa Prague at Czech Parliament na maaari pa itong madagdagan at mas maging pang matagalan.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Czech Republic, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.