PatrolPH

Mga labi ng 7 nasawi sa karambola sa Misamis Oriental, naiuwi na

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2023 02:25 PM

MANILA — Naiuwi na sa kani-kanilang pamilya ang mga labi ng 7 sa 8 kataong nasawi sa karambola ng mga sasakyan sa Naawan, Misamis Oriental nitong Sabado.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Police Regional Office-10 director BGen. Lawrence Coop na pawang taga-Iligan City at Lanao del Norte ang 7 namatay na pulis at isang helper.

Tiniyak ni Coop na may ayudang ibibigay sa mga namatayan upang masagot ang gastusin sa burol at pagpapalibing ng mga biktima.

“Ako talaga ay nakikidalamhati din at nakikiramay din sa mga naulila ng mga pulis na ito,” saad ni Coop.

Samantala, nasa 24 katao na ang nasaktan sa naturang karambola. Isinugod sila sa Iligan City Medical Center Hospital at Northern Mindanao Medical Center.

Nasa pagamutan pa rin ang 14 sa kanila, kabilang ang 10 pulis at 4 na sibilyan pero maayos na umano ang kondisyon.

“As of now, wala namang na-report na kritikal; ‘yung karamihan is parang nabugbog lang. But ang status is still under observation. May mga kina-conduct na mga test sa kanila,” ani Coop.

Nangyari ang banggaan ng 3 van Sabado ng umaga sa Purok 11, Brgy. Poblacion.

Pawang mga pulis at ilang helper ang sakay ng 2 Hi-Ace van na galing sa schooling at police training sa Cagayan de Oro City at patungo sa direksyon ng Iligan City.

Nasa kabilang direksyon naman ang isang wing van na patungo sa direksyon ng Cagayan de Oro City para umano kumuha ng gulay.

Sumabog ang gulong ng wing van, kaya nawalan ito ng kontrol at nasalpok ang 2 Hi-Ace van.

“’Yung final position ng Wing van, parang natumba siya sa gilid. Facing Iligan City na siya, parang umikot siya ng 180 degrees,” saad ni Coop.

Ginagamot pa sa pagamutan ang driver ng Wing van na maaring maharap sa patong-patong na kaso.

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.