LONDON - Dismayado ang taga-Liverpool na si Carol Murphy habang ikinukwento ang kanyang naging karanasan sa sinalihang beauty pageant-for-a-cause noong July 2022.
Nang idaos ang coronation night ng Mrs. Philippines Euro Asia pageant sa Lancaster, England, kinoronahan si Murphy bilang Mrs. Charity first runner-up, People's Queen 2022 at Mrs. Philippines Euro-Asia second runner-up.
Photo courtesy of Carol Murphy
Hinakot din niya ang ilang special awards gaya ng Best in Talent, Swimwear, Casual Wear at Charity Video Presentation.
Five hundred pounds (£500) o mahigit thirty thousand pesos (P30,000) ang ibinayad ni Murphy at ng bawat kandidata bilang registration fee. Pero ang ikinagulat at ikinagalit ni Murphy, binawi ang mga titulo at koronang nakuha niya makalipas lang ng isang buwan.
Photo courtesy of Carol Murphy
Ang itinurong dahilan ay hindi raw siya pumirma at nagsumite ng kontrata. Dahilan para hindi ibigay sa kanya ang mga premyo at ang 80% ng nai-remit niyang charity money na umabot sa 1,440 pounds o higit-kumulang 95- thousand pesos na nalikom niya mula sa pagbenta ng raffle tickets.
“Para sa akin kasi, I paid my registration fee and I had a verbal agreement with the organization, so nag-assume ako na this is it, na the contract was just a formality. I was never been pushed to sign the contract from the start,” paliwanag ni Murphy.
Ayon kay Murphy, sinubukan niya at ng isa pang kandidatang binawian din ng korona at bigo ring matanggap ang charity money na makipag-ugnayan sa pageant organizer na si Julie Knowles, isa ring Pinay.
Tumanggi umano si Knowles na ibigay ang kanilang parte ng charity money.
Photo courtesy of Carol Murphy
“I'm hoping it will be sorted out and I can still give my share sa charity na pinramisan ko,” sabi ni Murphy.
Sinubukan ng TFC News na makipag-ugnayan kay Julie Knowles at sa kanyang legal representative na si Don Magsino pero tumanggi silang magpaunlak ng panayam.
Kinuha ng TFC News ang opinyong ligal ng isang solicitor tungkol sa isyu.
“Ang partikular lang na may formality is when it comes to land and properties but when it comes to contracts such as this, na sa pageant lang, it's not really necessary na naka-written sila to whether or not it is required for them to sign it is actually a signification lang ng acceptance iyan. Kung walang written contract kasi, the contract would be the oral agreement, which is yung pagsali ng pageant and yung pagbigay ng award pagnanalo ang candidate,” paliwanag ni Nadine Baligod, solicitor ng Baligod Law & Co.
Paalala naman ni Baligod sa mga Pilipino sa UK na maging maingat sa pagpasok sa anumang kasunduan.
“Mas magandang meron kayong pinanghahawakan na written agreement, kung wala man, kahit sa palitan lang ng messages that is considered as written agreement. Hindi kailangan yung contract na may title na contract na document. Communications is an agreement. It can also be written because everything is digital nowadays,” dagdag ni Baligod.
Bagito pa at nagpapakilala pa lang sa Filipino community ang pageant na inorganisa ni Knowles kaya umaasa si Murphy na maaayos pa ang gusot at hindi magkakalamat ang samahan ng ilang Filipino communities sa UK.
Gusto pa rin niyang makuha ang premyong pera na nakalaan para sa kanyang charitable work na isa sa dahilan kung bakit siya sumali sa nasabing pageant.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa United Kingdom, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.