PatrolPH

100 bahay sa Mandaluyong, nilamon ng apoy

Karen de Guzman, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2023 11:13 AM | Updated as of Feb 12 2023 05:21 PM

Natupok ang nasa 100 na magkakadikit na bahay sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City pasado alas sais ng umaga ngayong Linggo.

Video courtesy of Pres Villanueva

Ayon kay FSupt. Nazrudyn Cablayan, Fire Marshal ng Mandaluyong City, gawa sa yero at kahoy ang mga bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Pahirapan din ang pag responde ng mga bumbero dahil maliliit ang eskinita ng lugar. 

“Kung mapapansin natin ang area na involved is mga light materials, maliliit po ang mga eskinita na mahirap pasukin. Ang kagandahan lang, dumating ang mga volunteers natin at hindi na kumalat,” ani ni Cablayan.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog at idineklarang fire under control pasado alas otso ng umaga (8:34 a.m.).

Nagdeklara ng fire under control ang BFP, 8:34 a.m. ABS-CBN News
Nagdeklara ng fire under control ang BFP, 8:34 a.m. ABS-CBN News

Sa inisyal na pagtataya ng BFP, aabot sa P8M ng ari-arian ang tinupok ng apoy. 

Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente. Wala ring nadamay na iba pang establisyimento maliban sa naturang residential area.

Kasalukuyang nasa modular tents sa mga basketball court sa Barangay Addition Hills ang mga apektadong residente.

Kabilang sa mga nasunugan si Angelita Cabalona na pansamantalang mamamalagi sa mga tent kasama ang kaniyang pamilya.

"Pagtiisan po kasi wala kami magagawa wala kami mapuntahan," aniya.

Dagdag pa niya, babalik pa rin sila sa dati nilang tirahan kung papayagan pa silang makabalik.

"Balak ko dun bumalik kaso kung payagan kami bumalik doon kasi sa gobyerno 'yun na lupa eh," dagdag ni Cabalona.

May paalala naman ang BFP sa publiko. 

“Doble-ingat, lalong-lalo na paparating na naman ang Marso kung saan magbabago na ang klima natin. Isa po sa factor ng sunog ang init,” ani ni Cablayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa kung ano ang pinagmulan ng sunog. Tinatayang aabot sa P8 milyon ang kabuuang halaga ng pinsalang dala ng sunog.

- may ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.