PatrolPH

1 patay, 4 sugatan sa pagsabog ng granada sa isang bahay sa Makati City

Karen de Guzman, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2023 11:31 AM | Updated as of Feb 12 2023 04:28 PM

MAYNILA (UPDATE) -- Isang lalaki ang nasawi habang 4 naman ang sugatan matapos masabugan ng granada sa loob ng isang bahay sa Barangay Pembo, Makati City pasado alas-10 ng Sabado. 

Ayon kay Makati Chief of Police Police Col. Edward Cutiyog, nag-iinuman umano ang magkakaibigan sa loob ng bahay ng isa sa mga biktima.

Naglabas umano ito ng hinanakit sa asawa at saka kinuha ang granada at nilagay ito sa kanyang katawan. 

"Nung umiinit na 'yung inuman, napansin nitong witness natin, nagagalit na. Nakainom na 'yung victim. Pero natakot ito kasi nakita na may hawak-hawak itong granada," ani ni Cutiyog. 

Maya-maya pa’y nakarinig ng malakas na pagsabog ang mga residente ng lugar. 

Kwento ng kapitbahay ng biktima na si Avelina Dulay, natutulog na siya nang biglang yumanig ang kanyang bahay. 

"Nung biglang sumabog, tumalikwas ako, mausok pero naghihiyawan na sila rito. Sabi ko nga baka sunog na 'yun kasi mausok, kaya lumabas na ako. Hindi ko na inisip kung anong kukunin ko," ani Dulay.

Narekober ng Makati EOD at Makati Forensic Unit sa insidente ang pira-pirasong metal fragments na pinaniniwalaang parte ng hindi pa alam na klase ng granada.

Idineklara namang dead on arrival sa ospital ang biktima na may hawak ng granada habang sugatan ang dalawa niyang kasama at kritikal naman ang dalawa pa.

Wala namang naapektuhan na iba pang bahay at residente ng lugar.

Iniimbestigahan pa ngayon ng pulisya kung saan galing ang naturang granada. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.