Suspek sa pagpatay sa Misamis Oriental nahuli na

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 08:45 PM

Nahuli na ng pulisya si Justin Villanueva na umamin sa panggagahasa at pagpatay sa isang babae sa Tagoloan, Misamis Oriental nitong Linggo. Rod Bolivar, ABS-CBN News

TAGOLOAN, Misamis Oriental - Nahuli na ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa isang babae na iniwan sa isang abandonadong bahay sa bayan na ito noong Lunes.

Hinuli ng mga awtoridad si Justin Villanueva sa kaniyang bahay sa Tagoloan Martes ng gabi matapos makumpirma na siya ang huling nakasama ng biktima nitong Linggo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa inuman ang suspek, biktima, at tatlong iba pa bago magkasamang umalis ang dalawa.

Lunes ng umaga nakita ang bangkay ng biktima na mayroong sugat sa ulo at tinabunan ng underwear ang bibig.

Inamin ng suspek sa mga pulis na ginahasa muna niya ang biktima bago niya ito pinatay.

"'Yung intensiyon niya magalaw niya. Siguro naramdaman ng lalaki nagre-resist na. So inisip niya kaagad magsusumbong ito. Iyan ang nasa instinct niya. Kaya pinatay niya," ani Police Maj. Rogelio Manalang, officer-in-charge ng Tagoloan Municipal Police Station.

"Kung ano ang ginawa niya sa aking kapatid, iyon din sana ang magiging kaparusahan [sa suspek]," saad ng kapatid ng biktima.

Sinampahan na ng kasong rape with homicide ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.