Sasakyan ng Maynilad, tumagilid sa Quiapo

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 12:11 PM

MAYNILA – Dalawang lane ng Quezon Boulevard sa may Quiapo underpass ang inukupa ng tumagilid na sasakyan ng water utility firm Maynilad, Miyerkoles ng umaga.

Ligtas naman ang 3 sakay ng SUV na pawang mga water maintenance personnel.

Kuwento ng driver na si Mario Yangga, binabaybay nila ang kalsada pa Arroceros nang bigla na lang umanong lumipat sa harap nila ang isang taxi.

Sa gulat, biglang napakabig pakanan ang sasakyan at tumama sa pader ng underpass.

Sa lakas ng impact, nasira ang harapan ng SUV at tumagilid pa ito.

Hindi na naplakahan pa ang taxi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.