Rabbit meat puwedeng alternatibo sa baboy sa gitna ng ASF outbreak: DA

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 05:42 PM | Updated as of Feb 12 2020 06:06 PM

Isa ang karne ng rabbit o kuneho sa mga nakikita ng gobyerno na maaaring maging alternatibo sa karne ng baboy sa gitna ng patuloy na pagkalat ng African swine fever (ASF), sabi ngayong Miyerkoles ni Agriculture Secretary William Dar.

Mas mabilis at madaling palakihin ang mga kuneho, na may karneng mayaman sa protina, ayon kay Dar.

"It's part of the basket of options," sabi ni Dar sa mga reporter sa pagdalo niya sa International Farmers Summit sa Pasay.

Pero nangunguna pa rin ang karne ng manok sa mga isinusulong na alternatibo sa baboy.

Ayon pa sa kalihim, kaunti pa lang ang rabbit farms sa bansa kaya susuportahan ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalago sa industriyang ito.

"We have talked with them na we are supportive of their industry kasi ang growth cycle noon ay mas lesser than other potential substitutes," aniya.

Tinatayang nasa 62 porsiyento ng kabuuang hog population ang mawawala kapag hindi napigilan ang pagkalat ng ASF sa Pilipinas ngayong 2020, ayon sa Philippine Veterinary Drugs Association. Katumbas ito ng 8 milyong baboy o higit 500 milyon kilo ng karne.

Kapag nangyari ito, bababa umano ang supply ng karneng baboy kaya maaaring sumipa ang presyo ng ibang pangunahing produktong agrikultura.

Sakaling mangyari, magpapataw daw ng suggested retail price ang DA para mapigilan ang pagsipa ng presyo.

Sa ngayon, halos 200,000 baboy na ang pinatay sa mga lugar na apektado ng African swine fever, na nakumpirmang nakapasok sa bansa noong Setyembre.

Para hindi gaanong matamaan ang supply, pag-aaralan daw ng DA na gawing kalahating kilometro, sa halip na isang kilometro, mula sa apektadong farm ang ika-cull na baboy.

Sa Benguet, pahirapan na ang pagbenta ng karneng baboy matapos makumpirma ang mga kaso ng ASF doon.

Tumaas naman ng P20 ang presyo ng kada kilo ng baboy sa Baguio City Public Market.

Tumumal naman ang bentahan ng lechon sa Davao City matapos magpositibo sa ASF ang ilang baboy sa Calinan district.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.