Negros Oriental, may naitalang bagong ‘patient under investigation’

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 05:02 AM | Updated as of Feb 12 2020 06:27 AM

Isang Pinoy galing Hong Kong ang inoobserbahan sa Negros Oriental Provincial Hospital matapos itong magka-ubo na isa sa mga sintomas ng novel coronavirus o COVID-19.

Dumating ng alas-6 ng gabi ng Martes sa ospital ang bagong Patient Under Investigation o PUI galing Bayawan City.

Siya ang natatanging PUI sa ngayon na binabantayan ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) matapos lumabas nang araw din ng Martes ang walong PUI sa probinsya na nagnegatibo sa COVID-19.

Kukunan ang bagong PUI ng Nasopharyngeal Secretion o NPS ng PESU at agad itong ipapasuri sa Research Institute for Tropical Medicine para malaman kung negatibo o positibo ito sa naturang virus.

Samantala, may apat ding bagong Patients Under Monitoring o PUM sa probinsya galing Bayawan City.

Sila ay nanggaling sa Taiwan at ipinasailalim na sila sa self quarantine ayon sa public information office ng probinsya.

Matatapos ang kanilang quarantine period sa Pebrero 18.

Umabot na sa pito ang lahat ng PUM ngayon sa probinsya kasama na ang tatlong natitirang PUM na matatapos naman ang quarantine period ngayong Miyerkules.-Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.