'Lugi sa turismo dahil sa bagong coronavirus posibleng umabot sa halos P43-B'

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 03:56 PM

MAYNILA — Posibleng umabot sa halos P43 bilyon ang lugi sa industriya ng turismo sa bansa dahil sa bagong uri ng coronavirus, ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat.

Sa isang presentation sa Kamara, sinabi ni Puyat na nasa P38 bilyon ang posibleng mawala kung magtutuloy-tuloy hanggang Abril ngayong taon ang ban na ipinatupad ng gobyerno sa mga biyahe papunta at galing China at sa mga special administrative region nitong Hong Kong at Macau.

Dahil nilinaw na rin ng gobyerno na sakop ng ban ang Taiwan, inaasahang lolobo pa ang halaga ng lugi sa P42.9 bilyon.

Ibinaba ng gobyerno ang ban bilang pag-iingat sa pagkalat ng bagong coronavirus, na galing Wuhan, China at nagdudulot ng respiratory disease na pinangalanang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ngayong Pebrero, aabot umano sa P16.8 bilyon ang lugi sa turismo.

Kabilang naman daw sa mga hakbang na ginagawa ng Department of Tourism para maibsan ang epekto ng virus sa turismo ay ang pag-alok ng mga summer at travel package, at multi-destination passes.

Disyembre ng nakaraang taon nang unang maiulat ang virus, na sinasabing nagmula sa isang seafood market sa Wuhan na nagbebenta ng wild animals. Umabot naman na sa higit 1,100 tao, karamihan ay sa China, ang namatay dahil dito.

-- May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.