Lalaki timbog matapos 'ibugaw, molestiyahin' ang 2-anyos pamangkin

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 05:47 PM | Updated as of Feb 12 2020 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang lalaki ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong ibugaw at molestiyahin pa ang pamangkin niyang 2-anyos pa lamang. 

Agad pinaligiran ng NBI-Anti Human Trafficking Division (AHTRAD) si alyas "Jose" sa isang entrapment operation sa Ermita. 

Ibinubugaw niya umano ang pamangkin niyang lalaki na 2 taong gulang sa nagpanggap na parokyano.

Umamin si Jose at sinabing dala raw ito ng pangangailangan.

"Pambili po ng gatas... May binabayaran din akong cellphone," anang suspek. 

Pero lumalabas sa imbestigasyon na matagal nang gumagawa ng maselang video si Jose sa naturang bata. Ibinebenta ito online nang tig-$200. 

"May child pornography at nagla-live stream siya, 'yung customer niya vini-video ang kalasawaan na ginagawa niya sa bata," ani Janet Francisco, hepe ng NBI-AHTRAD.

Naaresto na ang isa sa mga bumili ng video ni Jose sa Europa, ayon sa NBI.

Wala namang kaalam-alam ang nanay ng bata sa ginagawa ni Jose, lalo't siya ang inatasang maging bantay nito.
 
Nagpayo naman ang NBI sa mga magulang. 

"Huwag natin ipagkatiwala ang mga anak natin kahit pa kamag-anak dahil di natin alam kung anong motibo," ani Francisco. 

Kulong si Jose sa kasong human trafficking at child abuse. Dagdag pa diyan ang paglabag sa Anti-Cybercrime Law. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.