Ilang Kapamilya, nagbahagi tungkol sa tulong na naibigay ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 07:51 AM | Updated as of Feb 15 2020 08:57 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Ilang mga Kapamilya ang nagbahagi ng kanilang testimonya kung paano nakatulong ang ABS-CBN at ilang mga programa nito hindi lamang para sa kanilang mga sarili pati na rin sa kanilang mga pamilya at komunidad.

Umaasa sila na tuluy-tuloy at walang patid ang serbisyo ng ABS-CBN sa publiko matapos matugunan ang ilang mga isyu sa pamamagitan ng pagbabalita ng ABS-CBN News.

Halimbawa na lamang sa panahon ng pag-aalboroto ng bulkang Taal, walang patid ang pagbabalita ng naturang network sa isyu. Bukod pa rito, namahagi rin ang Kapamilya Network ng tulong sa mga apektadong pamilya.

Isa si Andrew Crispino Sufrir sa mga nag-volunteer sa relief operation ng ABS-CBN sa Batangas. Kasama ang Lingkod Kapamilya, bumiyahe siya mula sa Quezon City para mamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.

“Maganda nangyari [sa relief operation], may pagtuturo sa mga bata; may nag-drawing ng Taal na mga bata … Wala man ako maibigay na materyal na bagay, mas magandang sarili ang i-offer ko at makapag-abot ng tulong na galing sa Lingkod Kapamilya. Nakakataba ng puso na maabutan ng tulong ng Lingkod Kapamilya,” ani Sufrir.

Naging Bayan Patroller na rin si Sufrir at naging bahagi na rin siya ng pagbabalita ng ABS-CBN. “’Di lang pagtulong sa sakuna, mga tao na walang tahanan, na nabigyan ng tahanan sa Lingkod Kapamilya, sa mga nangangailangan, natulungan mga pamilya,” aniya.

Kwento niya, naging mas malapit ang kanilang pamilya sa isa’t isa dahil sa panonood ng mga palabas ng ABS-CBN. “Bonding ng family, paano sila ginagather ng show sa ABS-CBN, ‘pag tanghali, showtime; sa gabi naman teleserye. Malaking tulong din ang TV Patrol kapag walang pasok, agad naibabalita," aniya.

Dahil na rin sa pagbabalita ng ABS-CBN News, maraming isyu na rin sa komunidad ang natugunan.

Kamakailan lamang, isang batang lalaki ang iniwan ng kanyang ina sa Barangay 212 sa Tondo, Maynila.

Matapos mapanood sa Umagang Kay Ganda at TV Patrol, naibalik sa kanyang kaanak ang bata.

Ayon kay Rosemarie Lim, kagawad sa Barangay 212, mabilis umaksyon ang ABS-CBN sa mga isyu kaya naman napanood nila agad ang balita at agad ding nakatugon.

Ayon naman kay Evangeline Fernandez, isa ring kagawad sa Barangay 212, agad na naibabalita ng naturang network ang mga sumusulpot na isyu katulad na lamang ng sunog.

Halos maghapon din silang nanonood ng mga palabas ng Kapamilya Network katulad ng Showtime, Kadenang Ginto at iba pa kaya naman umaasa silang maituloy pa ang serbisyo sa publiko ng ABS-CBN sa mga susunod pang dekada.

Bukod sa mga nakukuha sa balita at relief programs, tingin ng ilang estudyante na mahalagang manatili ang ABS-CBN sa ere bilang bahagi ng kanilang pag-aaral at pagkalap ng iba pang impormasyon. 

Sandigan umano kasi nila ang pagsubaybay sa mga news programs at projects ng Kapamilya Network, lalo na kung wala namang Internet. 

"Halimbawa po, kailangan ko pong tingnan 'yung panahon sa araw na iyon, mag-abang ng mga suspension sa klase... (jc)...sa radyo o sa TV, mas madali kong makukuha 'yung impormasyong kailangan ko," paliwananag ng estudyanteng si Samantha Sorita.

At kapag stressed, sa entertainment shows naman ang sandigan ng mga estudyante para alamin ang mga usong sayaw at kanta. 

"'Yong entertainment, nakakatulong siya sa amin kasi in a way, naa-uplift niya yung mood namin. Kahit napagod kami buong araw, makakatawa kami," ani Elias. 

Taon-taon, may Pinoy Media Congress ang ABS-CBN para hubugin ang mga nais mag-media practitioner sa pamamagitan ng seminar-lectures. 

Naka-ayuda rin ang ABS-CBN sa mga eskuwelang kailangan ng pasilidad at iba pang learning materials. 

On-air din ang pag-aaral sa pamamagitan ng Knowledge Channel at ilang programa ng Yey! 

Sakaling magsara ang Kapamilya network, nanghihinayang ang graduate student na si Azhet Tolentino lalo't pangarap niyang dito magtrabaho. 

"Kaya po talaga ako nag-take ng course na Masscom is para maging part ng production team nila kasi yung mga show na napo-produce nila is pang world-class. Balita ko maganda ang employment benefits do'n," ani Tolentino. 

-Ulat nina Jervis Manahan at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.