Hirit ng DA sa LGUs: Ayusin ang pagpapatupad ng lockdown vs ASF

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 03:09 PM

MAYNILA — Umapela nitong Miyerkoles ang Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang pagpapatupad ng lockdown para hindi lalong kumalat ang African swine fever (ASF). 

Sa isang pulong sa Maynila kasama ang ilang lider ng local government units (LGU), sinabi ni Agriculture spokesperson Noel Reyes na dapat ay mahigpit na ipatupad ang Administrative Order No. 22 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim nito ipinag-uutos ang tamang zoning sa mga lalawigang apektado ng ASF.

Ayon kay Reyes, ang mga lalawigan na isinailalim sa "code red" ay ang mga lugar na mayroong positibong kaso ng ASF.

Nanawagan ang DA sa mga gobernador at mga alkalde na ayusin ang implementasyon ng lockdown na nagbabawal sa pagpapasok ng mga meat products na positibo sa ASF.

Paliwanag ni Reyes, ang hindi lamang puwede ay ang mga live animals o mga buhay na baboy mula sa mga lugar na may ASF.

Gayunman, puwede naman makapasok sa mga probinsiya ang mga processed at canned meat, dagdag ni Reyes. —Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.