'Don't pressure us': Kongresista may panawagan tungkol sa ABS-CBN franchise

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pumalag ang isang mambabatas tungkol sa umano'y pressure na kaugnay ng pagtalakay sa franchise renewal ng ABS-CBN at nanindigang nag-iingat lang sila tungkol sa pagtalakay nito sa mababang kapulungan. 

Sa isang press conference, nanawagan si Isabela 1st District Rep. Antonio Albano, Vice Chair ng House Committee on Legislative Franchises, na huwag silang i-pressure kaugnay ng pagdinig tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN na nakatakdang mapaso sa katapusan ng Marso kung hindi pa ito ire-renew. 

"Please do not pressure us so much because we're taking pressure from both sides of the aisle and no less than the President," ani Albano.

"Even the networks and even journalists are giving us tremendous pressure this will create biases among members of the legislative franchise committee." 

Bumuhos kamakailan ang mga pahayag ng mga media practitioner at maging ng ilang politiko kaugnay ng pagtalakay ng prangkisa ng ABS-CBN - na hindi pa umuusad kahit na meron nang 10 panukala ito na baguhin na ang prangkisa nito. 

Sinabayan pa ito ng paghain ni Solicitor General Jose Calida ng mosyon na layong ipawalang-bisa ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN, na nag-ugat umano sa mga paglabag ng ABS-CBN sa ilang terms and conditions ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation at subsidiary nitong ABS-CBN Convergence.

Mga bagay ito na noon pa pinabulaanan ng ABS-CBN, na iginiit na walang nilabag na batas. 

Iginiit ni Albano na hindi nila inaantala ang pagdinig tungkol sa franchise lalo't mabigat ang isyu ngayon. 

"We are not delaying. We have been doing our work. It's just you dont see it. Unfair to say committee on franchise have been sitting on it. It doesnt mean because you field you get priority we have steady pace," aniya. 

Sa katunayan aniya, sinabi ng mambabatas na malapit na nilang dinggin ang prangkisa ng network. "It's been calendared," aniya. 

Noon ding binatikos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang network sa umano'y hindi pag-ere ng mga political ads noong 2016 halalan. 

Pero nilinaw ni Albano na wala namang dikta si Duterte tungkol sa isyu. 

"If it's true what they say na tuta lang kami, we should have had the franchise [hearings] calendared and denied it right away. We're being cautious especiallly Speaker Cayetano. Cautious in proceeding knowing gravity of situation," ani Albano.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAKIKIISA BUHOS PA RIN 

Samantala, patuloy ang pagpapahayag ng pakikiisa sa ABS-CBN ng iba't ibang media group, private groups, universities, maging mga pulitikong na noon ay inireklamo ang ABS-CBN. 

Ayon kay dating Sen. JV Ejercito, bagama't hindi naging mabuti sa kaniya at kaniyang pamilya ang ABS-CBN, hindi ito dahilan para sumang-ayon siyang mapasara ang kompanya. 

“I believe in press freedom. Its better to be there to keep government on its toes all the time," ani Ejercito. 

Maaalalang nasa coverage ang ABS-CBN ng People Power II - kung saan naging layunin ang pagpapatalsik sa ama ni Ejercito na si Joseph Estrada. 

Isinantabi rin ni Sen. Nancy Binay ang personal niyang opinyon tungkol sa network. 

Mas mahalaga raw kasi ang kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino sa malayang impormasyon. 

Para naman sa National Alliance of Broadcast Unions, pagpapakita umano ang banta ng pagsasara sa network na hindi alintana ng Malacañang ang mga empleyadong mawawalan ng kabuhayan. 

Nakikiisa naman ang mga miyembro ng Philippine National Police Press Corps - mga mamamahayag sa Kampo Crame -- sa mga kasamahan nila sa ABS-CBN at sa laban nito sa press freedom. 

Nanawagan naman ang mga guro, empleyado, at estudyante ng Polytechnic University of the Philippines - College of Communication na itigil ang panggigipit sa network. 

Katuwang umano ng kolehiyo ang ABS-CBN sa paghubog ng mga mag-aaral sa mga makabago at mas matapang na paraan ng pagbabalita.

"Ang bagong henerasyon ay hindi na muling papayag na maulit ang madilim na yugto ng ating kasaysayan na pilit ibinabalik ng kasalukuyang administrasyon," anila sa pahayag. 

Sa pahayag na binitawan ng ABS-CBN, nagpasalamat sila sa mga naghayag ng suporta at anila'y pinagkakatiwalaan nila ang pagtalakay ng Kamara sa isyu tungkol sa renewal. 

"We appreciate the statement of Rep. Antonio Albano that ABS-CBN may be legally allowed to operate even after its franchise expires," anila sa isang pahayag na inilabas ngayong Miyerkoles. 

"We also appreciate the commitment of Congress to go through the renewal process at the appropriate time. We trust in this promise," dagdag ng kompanya. 

Magsusumite rin ang ABS-CBN ng detalyadong komento tungkol sa mga akusasyon ni Calida sa itinakdang panahon. 

Bagaman hindi perpekto, handa ang ABS-CBN na akuin at itama ang ano mang pagkakamali. Gayunman, mananatili ang pinakamataas na antas ng integridad sa patuloy nitong paghatid ng serbisyong mahalaga at makabuluhan sa buhay ng maraming Pilipino. 

"While we are not a perfect organization, we assure the public that we strive to maintain the highest level of integrity as we work to deliver services that many Filipinos believe to be important and meaningful to them," anila. -- May ulat nina RG Cruz at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.