Banta ng ASF: Bentahan ng litson baboy sa Davao City matumal

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 07:24 PM

Naging matumal na rin ang bentahan ng litson baboy dahil sa banta ng pagkalat ng African Swine Fever sa Davao City. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Apektado na rin ang bentahan ng litson baboy sa Chavez Street dito sa siyudad dahil sa banta ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Kahit umano may meat inspection certificate ang karne, may mga nagaalangan pa ring bumili dahil sa ASF.

Ayon sa litson vendor na si Junix Bron, kung noon ay dalawang litson ang mauubos nilang ibenta sa isang araw, ngayon ay isa na lang at hirap pa silang ubusin ito. 

“Kinontrol na kasi ang mga baboy na papasok sa Davao City, matumal na talaga ang benta," sabi ni Bron.

Ang ilan hindi na talaga nagbenta dahil malaki na ang kanilang lugi at masisira pa ang litson, habang ang ibang litson house ay boneless na lang ang ibinebenta.

Ayon sa Department of Agriculture Region 11, sa kabila ng ASF, sapat pa rin ang supply ng baboy sa Davao Region.

Para malamang ligtas ang baboy sa ASF, kailangang tingnan kung may meat inspection certificate ang karneng baboy.

“Marami pa tayong barangay especially sa north Davao na mapagkukunan ng source ng baboy," sabi ni Noel Provido, tagapagsalita ng DA-11.

Ipinagbabawal na rin ng Bangkerohan Livestock Association ang pagtanggap ng baboy mula sa mga hog trader sa ngayon at ang kanilang bentang baboy ay nagmula pa sa Cagayan De Oro City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.