Ano ang parusa sa mga bibili ng nakaw na cellphone?

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 11:50 AM | Updated as of Feb 12 2020 11:58 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sa bawat lansangan sa Maynila ay nagkalat ang mga nagbebenta ng cellphones, pero hindi tiyak ng marami kung saan galing ang mga naturang produkto. 

Nakakaengganyo man para sa ilan na bilhin ito dahil madalas ay mababa ang halaga, nagbabala ang abogadong si Claire Castro na sakaling nakaw ang cellphone, mananagot sa batas ang bibili nito.

Alinsunod ito sa Anti-Fencing Law.

"Minsan iniisip mo ba't mura ito tapos hindi kumpleto ang mga gamit [gaya ng] baterya, cable. Pero alam mo sa sarili mo na hindi ito galing sa tamang pinanggalingan," paliwanag ni Castro sa programang "Usapang de Campanilla. 

Binuo ang Anti-Fencing Law noong 1979 kung kailan talamak umano ang pagbebenta ng mga nakaw na gamit. 

Para makatiyak na hindi nagbebenta ng nakaw ang pinagbibilhan ng segunda manong mga kagamitan, nagpayo si Castro na dapat humingi ng kopya ng permit ang mamimili.

Kinakailangan kasi na may permiso mula sa pulisya ang tindahan na magbebenta ng mga second-hand items, ayon sa batas. 

Prision mayor o 6 hanggang 12 taong pagkakakulong ang maaaring parusa sa sino mang lalabag ng Anti-Fencing Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.