Amain na sinilaban umano ang 2-anyos bata kinasuhan ng murder

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 04:44 PM

MAIGO, Lanao del Norte — Kinasuhan na ng murder nitong Miyerkoles ang lalaking sinasabing sumunog sa 2-anyos anak ng kaniyang nobya noong Linggo sa bayan na ito.

Ayon sa Maigo Municipal Police Station, sinakal at pinatay muna ng suspek na si Florencio Curay, 55, ang bata bago niya ito sinilaban. 

Abo na nang matagpuan ang sanggol noong Linggo. 

Lasing umano ang suspek at pinagbintangan ang ina na kumuha ng pera niya na nagkakahalaga ng P14,000.

Hindi man inamin ng suspek ang krimen, 4 ang tumestigo laban sa kaniya, kabilang ang pamangkin nito na hiniraman niya umano ng lighter na pinansindi sa bata.

Isinailalim naman ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa debriefing ang ina ng biktima. 

Nasa kustodiya din ng MSWDO ang iba pang batang kapatid ng biktima. 

Ayon sa MSWDO, bukod sa mentally-delayed daw ang ina ng biktima, palaging napapabayaan nito ang mga anak.

Bago ang krimen, ilang beses nang ni-rescue ng MSWDO ang mga bata kabilang ang biktima dahil naiiwan sa bahay.


— Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.