Estudyante patay, 7 sugatan sa pag-araro ng jeepney sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 10:20 PM | Updated as of Feb 13 2020 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(4th UPDATE) Isang estudyante ang patay habang 7 pa ang sugatan nang masagasaan ng pampasaherong jeep sa JP Rizal, Makati City nitong Miyerkoles.

Ayon kay Makati Police Chief Rogelio Simon, dinala ang mga biktima sa Ospital ng Makati at Makati Medical Center. 

Na-discharge na mula sa mga ospital ang 4 na estudyante, 2 mula sa Makati Medical Center at 2 mula sa Ospital ng Makati.

Under observation pa rin sa Ospital ng Makati ang 3 pang mga estudyanteng biktima. 

Kinilala ang dineklarang namatay na si Jules Villapando. 

Pawang mga mag-aaral ng Gen. Pio del Pilar National High School ang mga biktima. 

Inilabas na rin ng Makati Police ang kuha ng CCTV sa aksidente. Sa video, tumatawid sa pedestrian lane ang grupo ng mga estudyante nang biglang inararo ng jeepney na minamaneho ni Crizalde Tamparong na unang napangalanan bilang Rizaldy Samparong.

Sa imbestigasyon, sumalpok ang sasakyan sa mga estudyanteng naglalakad sa gilid ng kalapit na kalsada. Sa lakas ng impact, tumilapon ang ilan sa mga biktima at agad silang sinaklolohan ng mga kaklase.

Ayon sa nakasaksi na si Justin Hoquis, nawalan ng malay ang ilan sa mga estudyante sa lakas ng pagbunggo ng jeep.

Ayon sa Makati Traffic Bureau, bandang alas 7:25 ng gabi nang mawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho si Tamparong.

Depensa ng driver, nawalan umano ng preno ang jeep kaya nawalan siya ng kontrol.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na walang hawak na driver’s license si Tamparong dahil kinumpiska ito noong Setyembre ng nakaraang taon dahil nasangkot ito sa aksidente. 

Nasa kustodiya ngayon ng traffic bureau ng Makati Police ang driver.--ulat nina Jeffrey Hernaez, Fred Cipres at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.