12 lalaki arestado sa pagsusugal sa lamay sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 05:28 AM

Sa kulungan ang bagsak ng 12 lalaki matapos mahuli sa magkahiwalay na anti-illegal gambling operation ng mga awtoridad sa magkahiwalay na barangay sa Quezon City.

Alinsunod ito sa direktiba ni Philippine National Police Chief Archie Gamboa na mas paigtingin ang kampanya kontra pagsusugal.
 
Ayon kay Police Capt. Edwin Fuggan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), una nilang sinuyod ang mga lamay sa Barangay Holy Spirit kung saan nahuli ang unang tatlong lalaki na nagsusugal ng cara y cruz.

Sa isang lamay naman sa Barangay Commonwealth, nalambat ang 9 iba pa na naglalaro naman ng baraha.

Depensa ng mga suspek, hindi nila alam na bawal ang pagsusugal at ginagawa lamang nila ito bilang libangan. 

Paglilinaw naman ng CIDG, pwede namang maglaro ng baraha basta walang taya. 

Kinumpiska ng mga pulis ang mga baraha pati na rin ang mga P20 at P50 na gamit sa sugal. 

Kakasuhan ng paglabag sa Anti-Gambling Law ang mga nahuli kung saan maaari silang makulong ng 3 hanggang 5 taon. Maaari rin silang magpiyansa na aabot sa P30,000.-Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.