10 sugatan matapos araruhin ng SUV sa tapat ng Baclaran Church

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 11:25 PM | Updated as of Feb 13 2020 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(2nd UPDATE) Sampung tao ang sugatan matapos araruhin ng isang SUV sa may tapat ng Baclaran Church sa Parañaque City pasado alas-9 ng gabi, Miyerkoles.

Ayon kay Major Jolly Soriano ng Parañaque Police Community Precinct 1, kabilang sa mga sugatan ang 4 na lalaki at 6 na babae na dinala at ginagamot na sa emergency room ng San Juan de Dios Hospital.

Tatlo sa mga biktima ang umano'y nasa kritikal na kondisyon.
 
Kinilala ang mga biktima na sina Leo Sabaleno, Sepronio Gandillo, Francis Blando, Bryan Qualis, Divine Grace Lumang, Analyn Rupersado, Marilyn Lucero, Cherry Bee Blando, Rosemarie Hapson at Elizabeth Lidangco.
 
Bigla na lamang umanong humarurot ang isang kulay itim na Toyota Fortuner, dahilan para masagasaan ang mga biktima.

Nadamay din ang 4 motorsiklo, isang electric bike, at tatlong vendor cart.

Hawak na ng pulisya ang drayber ng SUV na si Allan Respecia at depensa niya, bigla umanong nag-accelerate ang SUV.

Ngunit ayon kay Barangay Chairman Jun Zaide, may bigla umanong tumawid na bata, at imbes na preno ay maaaring gasolina ang naapakan ni Respecia.

Ayon naman kay Soriano, posibleng human error ang sanhi ng aksidente, imbes na preno ang maapakan ay maaaring silinyador ang nadiinan ng driver.
 
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury and damage to property.

—May ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.