Umano'y gun dealer patay sa buy-bust sa Surigao City

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 06:21 PM

Nakatunog umano ang suspek na pulis ang katransaksiyon niya sa pagbili ng armas sa Surigao City. Larawan mula sa Surigao City Police Station

SURIGAO CITY – Patay ang isang 50 anyos na karpintero at mason matapos mabaril ng awtoridad sa Barangay Sabang dito sa siyudad, Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Danilo Gumanid Sr., na may kinalaman umano sa gun running.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nanlaban umano si Gumanid nang maramdamang pulis ang katransaksiyon sa pagbili ng armas sa halagang P3,000.

Bumunot umano ito ng kaniyang baril at pinaputukan ang mga pulis.

Nakaganti naman ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Narekober mula kay Gumanid ang limang 9mm cartridge case, tatlong kalibre .45 cartridge case, isang kalibre .45 na baril, magazine at ang marked money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.