Presyo ng bulaklak sa Dangwa tumaas 2 araw bago mag-Valentine's

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 12:01 PM | Updated as of Feb 12 2019 12:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas na ang presyo ng ilang bulaklak sa Dangwa Flower Market sa Maynila dalawang araw bago ang "Araw ng mga Puso" o Valentine's Day, base sa pag-iikot ng ABS-CBN News sa pamilihan. 

Ang isang bouquet ng local roses ay nasa P1,000 hanggang P1,200 na. Samantala ang mga bouquet ng mga ordinaryong bulaklak ay nasa P800. 

Ang pira-piraso namang stem ng mga rosas ay P100, na palilibutan ng iba't ibang palamuti gaya ng mga ribbon. 

Bagama't dalawang araw na lang bago ang Araw ng mga Puso ay pawang mga magbebenta rin ng bulaklak ang karamihan sa mga bumibili sa pamilihan. 

HALAGANG P500 PABABA NA PANREGALO 

Sa kabila ng pagtaas ng demand sa mga rosas ay mayroon ding mga flower arrangement na nagkakahalagang P500 para sa mga nais magtipid.

Ibinebenta ang tatlong Indian roses na nagkakahalagang P450 na may mga kani-kaniyang palamuti para mas mapaganda. 

Mayroon namang mga flower arrangement na mabibili na matagal malanta gaya ng 5 stem ng gerbera, carnation, o Malaysian mums na nagkakahalagang P500 kada bouquet. 

Mayroon ding mga single-stem arrangement gaya ng Stargazer, Equadorian Rose, o kaya Sunflower na nagkakahalagang P350 kada stem. 

Mayroon ding nabibiling isang pirasong stuffed toy na may wax flowers na nagkakahalagang P500. 

Samantala, may mga mabibiling round type bouquet na may assorted flowers na nagkakahalagang P500. 

-- Ulat ni Tina Marasigan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.