Measles outbreak inaasahang tatagal hanggang Marso: DOH

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 08:34 PM

Inaalagan ng mga magulang ang kanilang mga anak na isinugod sa San Lazaro Hospital sa Maynila dahil sa tigdas. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Hindi pa maidedeklarang "under control" ang measles outbreak at inaasahang tatagal pa ito hanggang Marso, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo.

Ayon kay Domingo, pareho ito sa panahon na kanilang target para mabakunahan ang lahat ng batang hindi pa nababakunahan kontra measles o tigdas, mumps o beke, at rubella o German measles.

"Tuloy-tuloy pa rin itong mabilisan saka malawakang response natin," ani Domingo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagdeklara noong nakaraang linggo ang Department of Health (DOH) ng measles outbreak sa NCR, Central Luzon, Calabarzon, Western Visayas, at Central Luzon.

Sinabi ng DOH noong Lunes na may 70 tao nang naiulat na nasawi dahil sa tigdas habang pumalo na sa 4,300 ang naitalang kaso ng tigdas sa bansa mula Enero.

Ang tigdas ay nakahahawang sakit na dala ng measles virus. Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, ubo at sipon, namumulang mga mata, at namumulang mga butlig sa katawan, ayon sa DOH.

Maaaring magdulot ng mga komplikasyong pagtatae, pulmonya, at kamatayan ang naturang sakit, dagdag ng DOH.

TUGON SA OUTBREAK

Dahil sa outbreak, puspusan na ang pagtutulungan ng DOH, iba pang ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para mabakunahan ang mga bata.

Nagpulong nitong Martes sina Health Secretary Francisco Duque at Education Secretary Leonor Briones para sa mandatory vaccination ng mga estudyante. 

Bagaman sinabi ni Duque na makatutulong ang mandatory vaccination para sa "herd immunity," sinabi ni Briones na kailangan muna nitong dumaan sa masusing pag-aaral.

"This is one potential strategy to avoid outbreaks," ani Duque.

"We have to be sure that we will not be infringing on the rights of the parents to decide," ani Briones.

Kinausap din ng DOH ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para tumulong sa seguridad ng health workers at bakunang dadalhin sa mga malalayong lugar.

Sa labas ng Metro Manila, puspusan na rin ang pagpapabakuna kontra tigdas, na boluntaryo namang pinupuntahan ng mga magulang.

Maglalagay naman ang DOH sa Cebu ng vaccination area sa compound at magtatalaga na rin ng mga "measles lane" sa ilang ospital. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.