MAYNILA - Pinayagan ng korte sa Legazpi City na makapagpiyansa si Daraga Mayor Carlwyn Baldo sa kasong pag-iingat ng 'di lisensiyadong armas.
Si Baldo ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay AKO Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe noong Disyembre. Napatay din ang aide nito sa pag-atake at anim na iba pa ang sugatan.
Ayon sa legal counsel ni Baldo na si Lovensky Fernandez, P3 milyon ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.
Ngunit dahil kinapos sa oras, hindi umabot ang abogado at hindi na naipasa ang iba pang pangangailangan para sa paglaya ni Mayor Baldo.
Sa Miyerkoles na umano nila aasikasuhin ang paglaya ng alkalde.
Dagdag pa ng kapatid ni Baldo na si Camalig, Albay Vice Mayor Carlos Baldo, ibabalik nila sa ospital si Mayor Baldo oras na makalaya dahil ginagamot pa ito.
Ilang oras lang matapos maaresto noong isang buwan, dinala sa ospital si Baldo matapos tumaas ng blood pressure. Dati na ring may hika ang alkalde.
Bukod sa kasong may kinalaman sa pag-iingat ng baril, nahaharap sa two counts of murder at 6 counts of frustrated murder si Baldo sa Albay Provincial Prosecutor's Office.
Nahaharap din ito sa kasong administratibo dahil ang mga inutusan umano nito para patayin si Batocabe ay kinuhang confidential employee sa munisipyo at binayaran gamit ang public funds.
- ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Albay, Daraga, Carlwyn Baldo, Rodel Batocabe, piyansa, Tagalog news, illegal possession of firearms, Legazpi City Regional Trial Court