#Halalan2019: Campaign period sa national positions umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 08:45 PM | Updated as of Feb 12 2019 09:40 PM

Umarangkada na ngayong Martes ang campaign period para sa mga national candidates na tatakbo sa pagkasenador o sa party-list sa halalan na gaganapin sa Mayo 13.

Ibinandera ng mga kandidato sa pagkasenador at para sa party-list representatives ang iba’t iba nilang kulay at mithiing politikal. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginanap ng Hugpong ng Pagbabago ang unang campaign caravan ng mga senatorial candidates sa Pampanga. 

Sa San Fernando piniling idaos ng partido ang unang araw ng campaign caravan para sa 13 senatorial candidates na inendorso ng partidong pinamumunuan ni Davao City Mayor Sara Duterte. 

Ayon kay Duterte, pagkilala ito sa panalong ibinigay ng lalawigan sa kaniyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. 

Kabilang sa mga kasama sa campaign rally ang mga reelectionist na sina Sonny Angara, Jose Victor “JV” Ejercito, Jose Pimentel Ejercito, Jr. o “Jinggoy Estrada”, Pia Cayetano, Bong Revilla, at Cynthia Villar. 

Hindi nakadalo si reelectionist Aquilino Koko Pimentel III at sa halip ay dumalo ang kaniyang asawa na si Kathryna.

Kasama rin ang mga senatorial election neophyte na sina dating Philippine National Police chief Ronald “Bato” Dela Rosa, dating Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go, Maguindanao 2nd District Representative Zajid “Dong” Mangudadatu, Ilocos Norte Governor Imee Marcos, dating broadcast journalist Jiggy Manicad, at dating MMDA chairman Francis Tolentino. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila isinantabi ng magkapatid na sina Estrada at Ejercito ang kanilang alitan para suportahan ang isa't isa sa pagsisimula ng senatorial campaign. 

Magugunitang naging tinik sa kanilang relasyon ang politika at pamamalakad sa balwarte nila sa San Juan, bukod sa mga personal na isyu. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinimulan na rin ng grupong Otso Diretso ang kanilang kampanya para sa senatorial elections sa Caloocan. 

Kabilang dito ang senatorial reelectionist na si Bam Aquino, at mga bagito sa senatorial elections na sina Magdalo Rep. Gary Alejano, dating House Deputy Speaker Erin Tañada, dating solicitor general na si Florin Hilbay at dating Bangsamoro Transition Committee member Samira Gutoc. 

Sa halip na magkaroon ng engrandeng political rally ay nagbahay-bahay ang mga miyembro ng oposisyon sa kanilang pangangampanya kung saan ay layon nilang magkaroon ng "harapang pakikipag-usap" sa taumbayan. 

"Nakakababa kami ng eskuwelahan, ng palengke na makikinig sa amin," ani Gutoc. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala hindi nakadalo si Mar Roxas dahil nasa Capiz siya para sa isang send-off activity. 

Bukod sa dalawang pangunahing partido ay sinimulan na rin ng independent candidates at iba pang mga partido ang kanilang pangangampanya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpunta sa Payatas sa Quezon City si Grace Poe, na tatayong independent candidate para sa senatorial elections. 

Ani Poe - na tumayong front-runner noong 2013 senatorial elections- ipapangako niya ang freedom of information kapag maluklok ulit sa puwesto. 

"Alam mo sa panahon ngayon talagang inaalay ko lang ang sarili ko. Parang, kung tatanggapin ako ng ating mga kababayan natin muli," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa San Jose Del Monte sa Bulacan sinimulan nina UNA senatorial reelectionists Nancy Binay, Juan Ponce Enrile at ang bagito sa senatorial election na si Dan Roleda ang kampaniya nila. Dati bahagi ng malalaking slate sina Binay at Enrile, ngayon, sila lang ang tiyak na magkasama. 

Nangampanya na rin ang senatorial candidate ng Makabayan bloc na si Neri Colmenares, na dating kumandidato sa ilalim ng senatorial slate ng dating presidential candidate na si Poe noong 2016. 

“Well, syempre ang kinaiba ngayon walang presidential candidate so malaking bagay, siyempre 'pag may slate na buo may presidential candidate, kahit wala kang malaking resources kung sasama ka sa presidential candidate, may sorties ka,” aniya. 

Magtatagal hanggang Mayo 11 ang campaign period. -- Ulat nina Willard Cheng, Adrian Ayalin, Jeff Canoy, Mario Dumaual, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here