PatrolPH

Chinese na umano'y nanghipo sa 3 babae sa Pasay, arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 04:51 AM | Updated as of Feb 12 2019 07:13 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATED) - Naaresto ang isang Chinese matapos umanong manghipo sa tatlong babae sa isang theme park sa Pasay City.

Kasalukuyang nakakulong sa jail facility ng Pasay police ang suspek na si Zhang Yang, 19 anyos at empleyado ng isang online casino sa bansa. 

Kuwento ni alyas "Lyza," ina ng isa sa mga biktima, kasama ng kaniyang anak ang pito nitong kaibigan na pumasok sa "horror house" ng nasabing theme park noong Huwebes.

Doon umano isa-isang hinawakan ng suspek sa mga maseselang bahagi ng katawan ang tatlong biktima, ani "Lyza."

Agad ipinagbigay-alam ng mga biktima sa mga guwardiya ang insidente at nahuli ang suspek.

Maaaring maharap sa kasong acts of lasciviousness ang suspek, ayon kay Police Officer 3 (PO3) Vanessa Camisera ng Pasay City Police Women and Children's Protection Desk.

Nag-alok namang makipag-ayos ang panig ng suspek pero nanindigan ang pamilya ng biktima na maghain ng kaso.

"Itong Chinese na walang kagagalang-galang sa Pilipinas na hindi naman niya bansa. Ang kapal ng mukha niya. I don’t want this to pass," ani "Lyza."

Hindi muna iniharap ng pulisya sa media ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon. 

Hinikayat naman nitong Martes ni Immigration spokesperson Dana Sandoval ang mga magulang ng tatlong babae na maghain ng kaso sa Bureau of Immigration (BI) laban sa dayuhan.

"Para ma-effect po natin ang full force of the law," sabi ni Sandoval sa panayam ng DZMM.

Maaari raw maharap sa deportation case ang suspek at mapalayas ng bansa.

"Puwede rin silang mag-file ng immigration charge para ma-deport po natin 'yan at ma-blacklisted sa Pilipinas kasi hindi po natin tino-tolerate ang mga ganitong actions ng mga foreigners dito sa bansa," ani Sandoval.

LIMANG PULIS-PASAY SINIBAK

Sinibak naman sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar ang limang pulis-Pasay dahil sa umano ay mishandling o hindi tamang paghawak sa kaso.

Sa panayam ng DZMM sa ina ng isa sa mga biktima, ikinuwento nitong inirekomenda raw ng isa sa mga pulis na makipag-areglo na lang ang mga biktima kay Zhang.

Dahil dito, pinasibak at pinaimbestigahan ni Eleazar ang hepe ng Pasay Police Precint 1 na si Chief Inspector Remedios Terte, maging sina PO3 Archie Rodriguez at Rainier Dumanacal, Senior Police Officer (SPO) 2 Jonathan Bayot at SPO3 Timothy Mengote. -- Ulat nina Ernie Manio at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.