90-anyos na lalaking nais umanong makita si Duterte, nakuhanan ng baril

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 12:00 AM

DAVAO CITY - Inaresto ang isang 90-anyos na lalaki matapos makunan ng .45 caliber pistol sa loob ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) sa Chavez Street, Davao City nitong Lunes ng gabi.

Hindi matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng lalaki dahil walang nakuhang mga ID sa kanya. Pero sinabi nito ang pangalan sa mga pulis at sinabing residente ng Surigao del Sur.

Ayon kay police Chief Inspector Michael Uyanguren, binaba umano ng isang pampasaherong van ang lalaki sa opisina bandang alas-11 ng umaga.

Gusto umano nitong makita si Presidente Rodrigo Duterte.

Pero nakitaan ito ng baril sa katawan.

Bukod sa baril, nakuha rin sa suspek ang dalawang kutsilyo at isang gunting sa malaking backpack nito.

“Wala na pud siya nacheck sa mga checkpoints tungod sa iyang katigulangon, nagtungkod na gani. Mao to, wala nadetect ang iyang baril,” ani PCINSP Uyanguren.

(Hindi na siya na-check sa mga checkpoints dahil sa may edad na siya. Nakatungkod na nga. Kaya, hindi nadetect yung baril niya.)

Hindi naman makausap nang maayos ang suspek at hindi sinabi kung anong dahilan ng pagpunta sa OSAP.

Haharap ang nahuli sa kasong illegal possesion of firearms at paglabag sa election gun ban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.