Pasaherong 'nambugbog' ng Grab driver, kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 10:29 PM | Updated as of Sep 10 2018 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kinasuhan nitong Lunes ng isang Grab driver ang kaniyang pasaherong nambugbog umano sa kaniya matapos niyang isauli rito ang naiwang cellphone.

Kasong serious physical injuries ang isinampa ng tsuper na si Armando Yabut laban sa kaniyang pasaherong si Jinno John Simon.

Kuwento ni Yabut, Pebrero 9 nang ihatid niya si Simon sa Kamuning, Quezon City mula Makati.

Naki-charge umano si Simon ng cellphone sa sasakyan ni Yabut pero naiwan nito ang cellphone. 

Napansin na lang umano ni Yabut sa Taytay, Rizal ang naiwang naka-charge na cellphone.

Maya-maya pa ay tumawag umano ang pasahero at nakiusap na ibalik ng driver ang kaniyang gamit.

"Nakiusap sila sa akin na sabi kung okay lang na ihatid ko 'yong phone sa kanila," sabi ni Yabut.

"Sabi nila emergency ... sabi ko, 'Sige sir, isasauli ko po ngayon, ngayon mismo bibiyahe ako diyan,'" ani Yabut. 

Nang puntahan ng tsuper ang address na ibinigay ng pasahero, pinagbintangan umano ni Simon si Yabut na nagnakaw ng kaniyang cellphone at binugbog.

Ayon kay Yabut, pinilit umano siya ng mga tauhan ng barangay na pumirma ng blotter.

"Nakikiusap ako sa mga barangay, sa kaniya na pakinggan ako," ani Yabut. "Pero sabi ng barangay sa'kin, 'Umamin ka na kasi!'"

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ni Simon pero wala umano ito sa kaniyang tirahan.

Ayon sa mga kapitbahay, hindi pa siya umuuwi.

Mariin namang itinanggi ng ilang opisyal ng Barangay Kamuning na pinilit nilang makipag-areglo si Yabut at ang pasahero.

Hindi umano nila binalewala ang kalagayan ng nabugbog na tsuper.

"Sila 'yong dumulog sa amin ... wala naman kami kinampihan," anang barangay officer na si Elizabeth Vesnar.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.