Magkabarkadang walang panggastos sa outing, nagnakaw ng cellphone

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 10:58 AM

Nakayuko ang 2 umano'y snatcher habang nagbibigay ng pahayag sa mga reporter matapos maaresto. ABS-CBN News

Mga suspek, 1 oras hinabol ng pulis

MANILA - Kalaboso ang 2 lalaki matapos hablutin ang cellphone ng isang babae sa Maynila ngayong Lunes para magkaroon ng panggastos sa outing. 

Kuwento ng biktimang si Jamaica Austria, nag-aabang siya ng taxi sa R. Papa Street at kausap ang asawa sa cellphone nang hablutin ito ng isa sa 3 lalaking sakay ng motorsiklo. 

Humingi aniya siya ng saklolo sa isang motorcycle rider, na nagkataong isa palang pulis. 

Nasa 1 oras hinabol ni PO1 Jomar Caliguiran ang mga suspek hanggang sa Blumentritt. May nakapagsabi sa kaniya roon na nagtago ang mga kawatan sa ilalim ng kotse. 

Dito na niya nahuli ang 17-anyos na suspek at kasamahan nitong si Jesse Villanueva, 18. Nakatakas ang isa pa nilang kasabwat. 

Inamin ng menor de edad na nagnakaw sila upang magkaroon ng panggastos sa resort na kanilang pupuntahan para sa birthday ng kabarkada. 

Itinanggi naman ni Villanueva ang krimen. 

Dati nang may kaso ang 2 nahuli, ayon sa mga pulis. Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.