'Hatchback,' puwede na uli sa TNVS sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 10:22 PM

Pumayag na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pumasada ang mga hatchback at compact o maliliit na kotse bilang mga transport network vehicle service (TNVS) unit.

Ayon sa LTFRB, magkakaroon ng sariling kategorya ang mga hatchback pero sa Metro Manila lang maaaring pumasada ang mga ito.

Ipinapanukala rin ang pagkakaroon ng mas mababang pasahe sa mga hatchback.

Noong nakaraang buwan ipinahayag ng LTFRB na ipagbabawal nito ang pagpasada ng mga hatchback para umano sa kaligtasan ng mga pasahero.

Hindi kasi pasok ang mga hatchback sa pamantayang sinusunod sa mga pampasaherong sasakyan, gaya ng mga taxi, dahil hindi umano ito "2000-cc rated."

Kasabay nito, tinaasan din ng LTFRB sa 65,000 ang "base cap" o bilang ng mga TNVS na papayagang pumasada mula 45,000.

Kumuha ng third party auditor ang LTFRB para linisin ang kanilang master list ng mga aprubadong TNVS driver.

Kabilang sa mga isinaalang-alang sa bagong base cap ang coding, araw para sa maintenance, year model ng mga yunit, mga hatchback, mga hindi aktibong yunit, mga operator na sobra sa apat ang yunit, at mga driver na parehong miyembro ng Grab at Uber.

Lumalabas na 59,020 ang mga accredited na driver na nakapagpasa ng application at nananatiling aktibo bago pinutol ng LTFRB ang pagtanggap ng Grab at Uber ng mga bagong driver noong Hulyo 2017.

"'Yong mga nag-apply before July 2017 moratorium ang io-honor. Iyon muna," ani LTFRB officer-in-charge Aileen Lizada.

Malugod namang tinanggap ng Grab at Uber ang desisyon ng LTFRB.

"Ito rin 'yong tantiya namin before which was 60,000 to 70,000... Wala pong mawawalan ng trabaho," sabi ni Grab Philippines country head Brian Cu.

"On the number that they provided, we still need to assess the impact it will have on our reliability, but we'll continue to work with LTFRB on the quarterly process," pahayag naman ni Irish Almeida, policy associate sa Uber.

Kada tatlong buwan, titingnan ng LTFRB ang bilang ng mga TNVS unit at kung sakto ito sa pangangailangan ng mga pasahero.

Enero 18 nang unang magpalabas ang LTFRB ng memorandum na naglalayong limitahan ang bilang ng mga pumapasadang TNVS sa Metro Manila.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.