PatrolPH

3 menor de edad, dawit sa pananaksak sa tapat ng paaralan

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 05:05 PM | Updated as of Aug 16 2019 04:58 PM

Watch more on iWantTFC

Arestado ang lima katao, kabilang ang tatlong menor de edad, matapos umanong pagsasaksakin ang isang lalaki sa harap ng isang paaralan sa Makati City.

Sa follow-up operation na isinagawa ng Makati police, nahuli ang limang suspek sa pagpatay sa 18 anyos na si John Ernest Rivera.

Biyernes nang mapatay si Rivera matapos masangkot sa gulo ng mga kabataan sa tapat ng San Antonio National High School, habang sinusundo nito ang isang kaibigan.

Nabatid ng Makati police na alitan sa pagitan ng dalawang gang o pangkat ng mga kabataan ang sanhi ng rambol sa may paaralan.

Lumalabas din sa imbestigasyon na inabangan ng mga suspek ang mga kaaway nilang mag-aaral ng paaralan.

"Itong grupo ng mga suspek may group chat na [sinasabing] mayroon silang aabangan sa labas ng eskuwelahan," ani Chief Inspector Roman Salazar Jr., hepe ng Makati Police Investigative Division.

"So 'yong victim na susundo lang sa kabilang grupo, iyon 'yong mismong nasaksak," ani Salazar.

Tinanggi ng dalawa sa mga suspek na sila ang nakapatay kay Rivera.

Nababahala naman si Makati Mayor Abigail Binay sa mga nangyayaring gulo sa mga kabataan.

Balak ng pamahalaang lokal na paigtingin ang pagbabantay sa iba't ibang gang sa lungsod.

Ipinapanukala rin ang pagpapatupad simula Marso ng curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw para sa mga menor de edad. 

"Hopefully when we do that curfew, more or less, mababawasan 'yong incidents sa minors," ani Binay.

Nahaharap sa kasong murder at illegal possession of bladed weapon ang dalawang suspek habang inaalam pa kung maaaring litisin sa parehong kaso ang tatlong menor de edad.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.